DENR Usec. Benny Antiporda nagpositibo sa COVID-19, isinalarawan ang naging karanasan

  • Nakilala si Environment Undersecretary Benny Antiporda dahil sa dolomite beach na binuksan sa publiko noong nakaraang taon
  • Sa kanyang Facebook, ibinahagi ni Usec. Antiporda ang kanyang naging personal na karanasan matapos magpositibo sa COVID-19
  • Patuloy ang pagpo-post ng Usec tungkol sa kanyang karanasan habang nakikipaglaban sa virus

Nagiging bukas sa publiko ang mga politiko at kilalang mga pangalan sa gobyerno tuwing sila ay nagpopositibo sa COVID-19. Ang kanilang pagiging transparent ay nakabubuti lalo na sa kanilang mga nakahalubilo upang magpatupad ang mga ito ng self-isolation at sumailalim din sa COVID-19 test upang makasigurado.

Imahe mula Facebook

Isa si Environment Undersecretary Benny Antiporda  sa mga kamakailan ay isinapubliko ang pagiging positibo sa COVID-19. Sa kanyang personal Facebook account, ibinahagi ng Usec ang kanyang pinagdaanan habang nakikipaglaban sa COVID-19.

Ayon kay Usec. Antiporda, huling linggo ng Marso nang malaman niyang positibo siya sa coronavirus. Una umano ay namaos siya at nangati ang lalamunan kaya naman sumailalim kaagad siya sa antigen test at dito ay nalamang positibo siya sa COVID-19. Sumailalim din sa antigen test ang kanyang mga kasama sa bahay at negative result ang lumabas.

Naranasan umano niya ang hirap sa paghinga kaya naman niresetahan siya ng iba’t ibang gamot ng kanyang doktor. Dahil punuan na ang mga ospital, napagdesisyunan ni Antiporda na magpa-homecare service na lamang.

Imahe mula Facebook

Habang dumadaan ang mga araw, marami umano ang mga gamot na ibinibigay kay Antiporda. Bumaba na rin umano ang kanyang oxygen level at patuloy ang kanyang hirap sa paghinga.

“Bagama’t umigi nang kaunti ang aking paghinga, matindi pa rin ang paghingal kahit konting galaw lang. Ganoon pala talaga ang COVID,” ayon pa sa Usec. Pagkatapos ng 15 na araw ay sumailalim ulit siya sa swab test at positive pa rin ang naging resulta nito.

Sa ngayon ay patuloy ang pag-quarantine at pagpapagamot ni Usec. Antiporda habang nagbibigay ng update sa kanyang Facebook account. Matatandaan na isa si Usec. Antiporda sa mga “dolomite defender” nang buksan sa publiko ang dolomite beach na matatagpuan sa bahagi ng  Manila Bay.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: