
- Isang food delivery service ang nagbahagi ng hindi magandang karanasan ng isa nilang delivery rider
- Habang hinahanap kasi ng delivery rider ang delivery point ng customer ay bigla na lamang hinablot ng kaw
atan ang kanyang cellphone - Kaya naman napaiyak na lamang ang rider dahil bukod sa hinuhulugan pa niya ang cellphone ay hindi niya alam kung paano na ang trabaho
Maraming maaaring dahilan kung bakit nale-late ang ating food delivery orders. Kabilang sa mga dahilan na ito ay ang pagka-delay ng restaurant o food chain kung saan kukunin ang mga pagkain, maaari ding na-traffic ang delivery rider, o kaya ay nahirapan itong hanapin ang delivery point.

Bukod sa mga nabanggit na dahilan, may pagkakataon din na may nangyayaring hindi inaasahan sa mga delivery rider kaya naman nale-late o hindi na nila tuluyang nai-deliver ang order ng customer. Tulad na lamang ng kuwentong ibinahagi sa Facebook ng isang food delivery service.
Sa kanilang FB page, ibinahagi ng Cravings 2 GO Food Delivery Service ang kuwento ng isa nilang rider na walang nagawa kundi ang maiyak na lamang dahil sa sinapit. Hindi na kasi nakapag-deliver ang nasabing rider dahil hinablot ng kawatan ang kanyang cellphone habang hinahanap ang delivery point ng customer.
“Isa sa ating night rider ang bumalik na dala pa din ang dapat nyang idedeliver na order. Ayon sa kanya, habang hinahanap niya ang delivery point ng customer ay hinablot ng di kilalang tao ang kanyang cellphone kaya hindi nya ma-deliver ang order dahil nawalan siya ng pang contact sa customer,” ayon sa FB post.

Bukod sa hinuhulugan pa umano ng rider ang nawalang cellphone, nakaipit din sa case nito ang kaunting naipong pera. “Hindi din niya alam ngayon kung pano siya magtatrabaho dahil nawalan siya ng panghanapbuhay na cellphone,” ayon pa sa post.
Nagbigay din ng mensahe ang food delivery service lalo na sa mga masasamang loob na nambibiktima ng riders:
“‘Wag po sana nating gawin to sa kapwa natin lalo sa mga riders na nagtatrabaho nang marangal. Dahil hindi naman natin alam ang pinagdadaanan ng bawat isa sa atin para lang mabuhay sa araw-araw.”

Libo-libong reactions ang natanggap ng nasabing post mula sa netizens. Nagpaabot din ng tulong ang ilan sa kanila sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera sa nasabing rider via GCash.