‘Contraceptives pantry,’ inilunsad na rin sa Davao City

Imahe mula kina BigJay Lagang at Regie Manginsay via Facebook
  • Isang grupo ng LGBT sa Davao City ang kamakailan ay naglunsad ng sarili nilang version ng community pantry, ang “contraceptives pantry”
  • Sa nasabing pantry, bukod sa mga suplay ng pagkain ay makakakuha rin ng libreng contraceptives tulad ng pills at lubricants
  • Kabilang sa kanilang hangarin ay ang mabawasan ang ilang mga karamdaman at masolusyonan ang teenage pregnancy

Tunay ngang hindi na mapipigilan pa ang impluwensiya ng “community pantry” na unang ipinalaganap sa Maginhawa, Quezon City kamakailan lamang. Layunin kasi ng community pantry na palakasin ang bayanihan spirit sa mga Pinoy lalo na sa panahon ngayon na mayroong matinding krisis.

Imahe mula kina BigJay Lagang at Regie Manginsay via Facebook

“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan”—ito ang makabuluhang mensahe at misyon ng community pantry na naglipana sa iba’t ibang bansa. Nagkaroon na rin ito ng iba’t ibang versions tulad ng “bike pantry” tampok ang mga lumilibot na volunteers, at “community PAW-ntry” para sa mga hayop.

Sa Davao City, kakaiba rin ang isang community pantry na inilunsad ng LGBT group na LGBT-Queens Organization sa Barangay 76-A Bucana. Bukod kasi sa mga suplay ng pagkain, kanila ring libreng ipinamamahagi ang contraceptives.

Ayon sa grupo, kabilang sa kanilang adbokasiya sa paglunsad ng tinawag na “contraceptives pantry” ay upang maiwasan ang dumaraming karamdaman na may kinalaman sa sekswal na aktibidad.

Imahe mula kina BigJay Lagang at Regie Manginsay via Facebook

“As a health advocate po, gusto ko lang po ibigay sa community ang access of prevention sa pagtaas ng cases ng STD/HIV and AIDS,” ani Regie Manginsay, presidente ng nasabing LGBT group.

Hindi naman umano iniwasan ng mga residente ang contraceptive pantry, bagkus ay bukas-palad nila itong tinanggap dahil na rin sa mabuting hangarin sa likod ng pagkakatatag nito.

Imahe mula kina BigJay Lagang at Regie Manginsay via Facebook

Nais din ng grupo na masolusyunan ang tumaas na kaso ng teenage pregnancy sa bansa na ayon sa datos ay mas lumala simula noong nag-umpisa ang pandemya at napilitan ang maraming Pinoy na manatili na lamang sa loob ng kanilang bahay.

Kabilang sa mga libreng makukuha sa contraceptives pantry ay pills, condoms, water-based lubricants, at iba pa. Nagpasalamat naman si Manginsay sa mga grupong Reproductive Health and Wellness Center (RHWC) at Family Planing Organization of the Philippines (FPOP) dahil sa mga suplay na kanilang donasyon para sa contraceptive pantry.