Community pantry na inilunsad ni Angel Locsin sa kanyang kaarawan, dinagsa ng napakaraming tao

Imahe mula Facebook
  • Bilang selebrasyon ng kanyang ika-36 na kaarawan, napagdesisyunan ni Angel Locsin na maglunsad ng community pantry bilang pagpupugay sa bayanihan ng Pinoy
  • Ang nasabing community pantry ay matatagpuan sa isang gusali sa Quezon City at magbubukas mula 10 AM hanggang 4 PM
  • Sa isang video ay makikita na dinagsa ng maraming tao ang community pantry ni Angel

Hindi na bago sa mga Pinoy ang pagiging bukas-palad ng aktres at advocate na si Angel Locsin. Simula noong mag-umpisa ang pandemya, isa na si Angel sa mga kilalang personalidad na patuloy na tumutulong sa mga Pinoy at naglalabas ng kanyang tunay na saloobin tungkol sa administrasyon.

Imahe mula kay Angel Locsin via Facebook

Para sa kanyang ika-36 na kaarawan, inanunsyo ng Kapamilya actress na bilang selebrasyon ay maglulunsad siya ng community pantry na unang nasaksihan sa Maginhawa, Quezon City at ngayon ay talamak na sa buong bansa.

“Bilang pagpupugay sa bayanihan ng mga Pilipino at sa mga nagtayo ng mga community pantries sa iba’t ibang bahagi ng bansa natin, I decided to celebrate my birthday tomorrow (April 23) by putting up a community pantry,” ani Angel sa kanyang social media.

Ang nasabing community pantry ay matatagpuan sa Titanium Commercial Building, 36 Holy Spirit Drive, corner Don Matias St., Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit, Quezon City. Ito ay bukas mula 10 AM hanggang 4 PM o hanggang sa maubos na ang supplies.

Imahe mula kay Angel Locsin via Facebook

Nakilala ang mga community pantries sa buong bansa sa tagline nitong “Magbigay ayon sa kakayahan. Kumuha batay sa pangangailangan.” Sa mga larawan na ibinahagi ni Angel sa social media, makikita ang iba’t ibang grocery items, alcohol, at mga gamot sa community pantry na kanyang inorganisa.

Lalo namang humanga ang maraming Pinoy sa kabutihan ng aktres. “Beautiful inside and out, so much respect for you Ms. Angel Locsin. You have been an angel to the lives of many Filipinos,” ani ng isang netizen.

Imahe mula Facebook

Sa live video na kuha ng News5 sa mismong pagbubukas ng community pantry ni Angel ay makikitang dinagsa ito ng napakaraming tao, hindi pa man ito nagbubukas. Naibalita rin na isang senior citizen na nakapila ang nawalan ng malay at kalaunan ay idineklarang DOA sa ospital.

Sa una niyang post ay hiningi ni Angel ang pagpapatupad ng health protocols sa mga pipila sa kanyang community pantry at sinabi rin niya na ang volunteers na kasama niyang nag-organisa dito ay sumailalim sa COVID-19 test para na rin sa kapakanan ng nakararami.