
- Matatagpuan na rin sa Quezon City ang tinawag na “community pamasahe” kung saan puwedeng kumuha ng mga barya kung kulang ang pamasahe o walang pera
- Ayon sa nag-organisa nito, naisip nila ang community pamasahe upang matugunan ang mga nangangailangan na commuters
- Maaari ditong magpabarya at kumuha ng pera, hindi rin nauubusan ng mga barya ang tray na nakalaan para sa lahat ng mapapadaan
Mahalaga lalo na sa umaga ang mga barya. Ito kasi ang ibinibigay na pamasahe sa mga pampublikong sasakyan o kaya naman ay pambayad sa kahit na anong bibilhin. Dahil umaga, wala pang naipong barya ang mga drayber o tindero upang panukli, kaya mas gusto nilang makatanggap ng barya.

Ang pahirapan sa barya at maski ang problema ng maraming mahihirap na Pinoy sa pera ang naging dahilan kaya inilunsad ng isang grupo ang tinawag nilang “community pamasahe” kung saan maaaring kumuha ng barya ang mga Pinoy na kulang ang pera o walang pamasahe.
“Today, we premiered our pamasahe tray. We copied the idea from singer Gary Granada. We ended up with more change than we started with. This will be available to anyone passing the street who needs spare change to make the ride home,” ani sa Facebook post ng isa sa mga organizer na si Albert Labrador.
Mayroong inilagay na tray kung saan puwedeng magbigay ng barya o kumuha mula rito.
Nakasulat rito ang: “Kulang ba pamasahe mo? Sobra ba ang barya mo?”
Ayon pa kay Albert, naisipan nila itong ilunsad “because we felt that it was a need that could be addressed immediately and easily.”

Sa loob ng apat na araw simula nang umpisahan ang “community pamasahe,” hindi umano naubusan ng barya na nakalagay dito. Kuwento pa ni Albert, mayroon umanong isang babae na nahihiyang nagtanong kung maaari siyang kumuha ng barya dahil kumuha na rin umano ito sa community pantry na ang kanilang grupo din ang nag-organisa.
Nilinaw naman ng organizer na maaaring kumuha ng barya rito ang sinumang mapapadaan lalo na iyong mga kinulang sa pamasahe o sadyang nangangailangan. Makikita ang community pamasahe at pantry ng grupo nina Albert sa Samar Avenue, Quezon City.