
- Inalala ni Chito Miranda ang lumabas na artikulo noong 2010 sa isang tabloid tungkol sa pagkawala nila ng nobya pa lang noon na si Neri Naig
- Sa kuwento ni Chito, tumakas sila ni Neri papuntang Tagaytay at parehong na-drain ang battery ng kanilang mga cellphone
- Natagalan sina Chito at Neri bago makauwi sa kanilang mga bahay, at saka nila nalaman na nag-aalala na pala ang kanilang pamilya at mga kaibigan
Ibinahagi kamakailan ng Parokya ni Edgar vocalist na si Chito Miranda ang isang ulat na nailathala noong October 20, 2010 sa tabloid newspaper na Abante Tonite.

Makikita sa artikulo ang larawan ni Angel Locsin subalit ito naman ay tungkol sa pagkawala nina Chito at ng nobya pa lang niya noon na si Neri Naig. Sa kuwento ni Chito, magkakasama sila noon ng mga kaibigan niya na sina Bubbles at Paolo Paraiso sa bahay ng mga ito sa Quezon City.
“Tapos nag-decide ako umalis at sunduin si Neri para mag-breakfast at salubungin ang sunrise sa Tagaytay,” kuwento ni Chito na inaming tumakas upang makipagkita kay Neri. “Umalis ako nang walang paalam kasi busy sila Pao and Neil.”
Nang makarating sa Tagaytay, saka umano nalaman ni Chito na coding ang kanyang sasakyan.
“Tumambay na lang kami buong araw sa Tagaytay para magpalipas ng coding. Parehong nawalan ng batirya ‘yung mga cellphones namin, at pareho din kaming walang charger…pero pareho din kaming walang paki kasi magkasama naman kami haha!”

Nang makauwi na si Chito sa kanilang bahay, saka niya nalaman na nai-report na pala sa pulisya ang kanyang pagkawala.
“Pag-uwi ko sa bahay before midnight, galit akong sinalubong ng kuya ko sa gate. Sumigaw siya para ipaalam sa family ko na nandun na ko.”
Sa kuwento pa ni Chito, ang kanyang ex-girlfriend na si Kaye Abad ang unang tinawagan ni Paolo upang hanapin ito. Dahil nag-panic, tinawagan umano ni Kaye ang kanyang pamilya. Paglilinaw naman niya, hiwalay na sila ni Kaye nang lumabas ang artikulo, “sobrang mag-tropa lang talaga kami kahit nung hindi na kami at close talaga siya sa family ko hanggang ngayon.”
Umani ng libo-libong reactions at comments ang ibinahaging ito ni Chito. Natatawa na lang umano siya kapag naaalala ito, “lalo na yung fact na tungkol sa akin ‘yung article pero pic ni Gel (Angel Locsin) ‘yung ginamit!” dagdag pa ng Parokya ni Edgar vocalist.