
- Inilunsad ng Philippine Coast Guard ang tinawag nilang “floating community pantry” upang makapagbigay ayuda sa mga mangingisda
- Ang floating community pantry na ito ay matatagpuan mismo sa gitna ng dagat na namimigay ng mga suplay
- Ayon pa sa PCG, hindi lamang sa gitna ng dagat kundi maghahatid rin sila ng tulong sa iba pang mangingisda sa Camarines Sur
Napalilibutan ang probinsya ng Camarines Sur ng mga malalawak na karagatan, kaya naman pangunahing ikinabubuhay ng mga residente rito ang pangingisda. Upang matulungan ang maraming mangingisda sa probinsya, inilunsad rito ang tinawag nilang “floating community pantry.”

Pinangunahan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lalawigan ang pagpapatupad ng “floating community pantry,” hango ito sa inilunsad na Maginhawa community pantry kung saan libreng makakakuha ng suplay ng pagkain at ilan pang mahahalagang suplay ang mga Pinoy.
Imbes na sila ang puntahan, ang mismong mga tauhan ng PCG ang naglayag sa dagat upang marating ang mga mangingisda at mabigyan sila ng ayuda. Kabilang sa mga naipamahaging suplay sa mga mangingisda ay bigas, itlog, gulay, canned goods at noodles.

“Umabot sa 75 mangingisda ang natulungan ng ‘floating community pantry’ na inilunsad ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Camarines Sur, PCG Sub-Station Balatan, 907th PCGA Squadron, at Barangay Balatan kaninang umaga, ika-26 ng Abril 2021,” ayon sa Facebook post ng PCG.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Lt. Ailene Abanilla, commander ng PCG sa Camarines Sur, sinabi niyang naisipan nilang ilunsad ang floating community pantry upang sa ganon ay makatulong kahit papaano sa mga mangingisda na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya. Ilang araw din umanong natigil ang pangingisda sa lalawigan dahil sa bagyong Bising.

Tulad ng ibang nagsulputan na community pantry kung saan marami ang nagbibigay ng donasyon, nag-ambagan umano ang mga tauhan ng PCG upang may maipambiling suplay. Mayroon din umano silang mga natanggap na tulong mula sa mga pribadong indibiduwal at grupo.
Bukod sa mga mangingisda na nasa gitna ng dagat, magbibigay din umano ang PCG ng ayuda sa iba pang mga mangingisda sa probinsya sa mga susunod na araw, ayon kay Lt. Abanillo.