Batang Mangyan na nag-donate ng nakasakong kamote sa community pantry, binigyan ng college scholarship

  • Isang siyam na taong gulang na lalaki mula sa indigenous community ang nagbigay ng tanim nilang kamote sa inilunsad na community pantry sa Occidental Mindoro
  • Sa kabutihan ng nasabing bata, lubos na nagalak ang organizers ng community pantry kaya nag-ambag ang mga ito upang mabigyan ang bata ng scholarship
  • Kung sakali, ang batang Mangyan ang magiging kauna-unahang nakapagtapos sa pag-aaral sa kanilang pamilya

Hindi inakala ng netizen na si John Christopher Lara, miyembro ng Kilusang Nagmamalasakit sa Lalawigan (KNL) na magiging ‘life-changing’ ang itinayo nilang community pantry sa Occidental Mindoro; hindi lamang para sa mga kumukuha ng supply dito kundi maski na rin sa mga nagbibigay.

Imahe mula kay John Christopher Lara / KNL via Facebook

Kamakailan ay ibinahagi ni Lara ang kuwento tungkol sa pagbibigay ng kalahating sako ng kamote sa community pantry ng siyam na taong gulang na si Don Don o Ornelo Sinagmayon. Mula si Don Don sa katutubong Mangyan sa Barangay Pinagturilan, Occidental Mindoro.

Nang mapag-alaman na mayroong community pantry na inilunsad ang KNL sa kanilang komunidad, agad na nag-donate si Don Don ng kalahating sako ng kamote na mismong tanim ng kanyang pamilya. Subalit hindi lamang isang beses na nagbigay ng donasyon ang batang Mangyan.

Imahe mula kay John Christopher Lara / KNL via Facebook

“Nakakatuwa pa dahil muli silang nagbigay ng mga kamote para sa Occidental Mindoro Community Pantry na Ngayon ay On Wheels na. Nalaman namin sa nanay niyang si ate Marialyn na galing daw ito sa kanilang taniman at hinanda daw talaga nila ito para ibigay,” kuwento ni Lara sa isang FB post.

Dahil lubos na nagalak ang KNL sa naging pagmamalasakit ni Don Don, pinuntahan nila ito sa kanilang tahanan upang personal na ihatid ang magandang balita.

“Ang buong Kilusang Nagmamalasakit sa Lalawigan executive committee ay nagpledge na ng full scholarship mula elementary hanggang college para sa kanya,” ani Lara.

Imahe mula kay John Christopher Lara / KNL via Facebook

Labis na ikinatuwa ni Don Don ang natanggap na scholarship dahil matutupad na umano ang kanyang pangarap na maging isang guro at tawaging “sir.” Kung sakali, si Don Don umano ang kauna-unahang makapagtatapos sa pag-aaral sa kanilang pamilya.

“Dahil sa mura mong edad ay napa-realize mo sa marami na kayang kaya nilang gumawa ng mabuti para sa kapwa sa munti nilang pamamaraan. Mabuhay ka and I can’t wait na makita kang isa nang ganap na guro sa hinaharap,” ang mensahe ni Lara sa Grade 4 student.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: