
- Isang pharmacy owner sa Maynila ang nakaisip ng paraan upang matugunan ang pangangailangang medikal ng mga Pinoy
- Inilunsad niya ang “community pharmacy” kung saan libreng makakakuha ng vitamins, mga gamot para sa iba’t ibang karamdaman, at iba pang medical items
- Nagbibigay donasyon naman dito ang kanyang mga kaibigan ding pharmacist at iba pang idibidwal na sumusuporta sa kanyang inisyatibo
Bukod sa mga suplay ng pagkain, kabilang sa mga kinakailangan ngayon ng maraming Pinoy ay mga vitamins, supplements, gamot para sa iba’t ibang uri ng karamdaman, at iba pang medical supplies upang makaiwas sa banta ng COVID-19.

“Health is wealth” ika nga nila, lalo na sa panahon ngayon na nakararanas ang bansa ng pandemya. Mahalagang palakasin ngayon ang resistensya ng katawan upang hindi tamaan ng coronavirus, dahil sa panahon ngayon, labis na malaki ang gastos kapag na-ospital.
Subalit dahil mahal na rin ang presyo ng mga gamot, maraming Pinoy lalo na iyong mga nasa laylayan ang hindi kayang makabili kahit vitamins. Ito ang nakikitang problema ng isang pharmacist mula sa Maynila kaya naisipan niyang ilunsad ang tinawag na “community pharmacy.”
Mula sa Sampaloc, Manila ang pharmacist na si Kaye Cirelos, nagmamay-ari din siya ng sariling pharmacy. Upang matugunan ang pangangailangang medikal ng mga Pinoy, naisipan ni Kaye na magtayo ng sarili niyang bersyon ng community pantry.

Ang “community pharmacy” ay matatagpuan sa Laon Laan Street sa Maynila. Dito ay libreng makakakuha ng multivitamins, kits na mayroong face masks at alcohol, and over-the-counter medicine, at iba pang medical suplay.
“I was inspired by the Maginhawa community pantry din po, but since I’m in the pharmaceutical field, I decided po to give medical attention to others since marami na pong community food pantry,” ani Kace. “Little gift from God & from the people with generous hearts. Para sa inyo po lahat ito,” dagdag pa niya.
Nakatanggap din si Kace ng tulong mula sa mga kaibigang pharmacists at mga indibidwal na naniniwala sa kanyang mga adbokasiya. Nagbigay ang mga ito ng suplay ng gamot at iba pang medical items para sa community pharmacy.
Hinikayat naman ni Kace ang iba pang pharmacy owners na magtayo rin ng community pharmacy sa kanilang lugar at libreng mamahagi ng extra supply ng kanilang vitamins at mga gamot dahil marami ang nangangailangan nito.