Apo na ginawaan ng DIY wading pool ng kanyang lolo, pinagkalooban ng netizens ng inflatable pool

  • Nag-viral kamakailan ang kuwento ng lolo na gumawa ng DIY wading pool gamit lamang ang tarpaulin at mga puno ng saging
  • Hiling kasi ng kanyang apo na magkaroon ng wading pool, at nasiyahan naman ito sa ginawa ng kanyang lolo
  • May ilang netizens ang naantig sa kuwento ng mag-lolo kaya naman bilang donasyon ay nagbigay sila ng inflatable wading pool

Benepisyaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) ang karpentero na si Lolo Edgar Guiyab Paet mula sa Cagayan Valley. Kamakailan ay dinalaw siya ng mga opisyales ng Department of Social Welfare and Development na sina Red-gelo Agbayani at Teresa Pineda.

Imahe mula kay Red-gelo Agbayani via Facebook

Dito na nakita ng dalawang taga-DSWD ang do-it-yourself wading pool na ginawa ni Lolo Edgar upang mapagbigyan umano ang kahilingan ng apo. Sa kanilang bakuran sa Barangay Baybayog, Alcala, ay makikita ang improvised pool na gawa lamang sa lumang tarpaulin at mga katawan ng puno ng saging.

Namangha sa nakita sina Agbayani at Pineda kaya naman kinuhanan nila ito ng larawan at ibinahagi online. Marami namang netizens ang nakakita ng litrato ng mga batang masayang naliligo sa DIY wading pool na gawa ni Lolo Edgar.

Imahe mula kay Red-gelo Agbayani via Facebook

Kuwento ni Lolo Edgar, hiniling umano ng kanyang apat na taong gulang na apo na si Princess Paet na magkaroon ng wading pool bilang regalo. At kahit mahirap lamang ang kanilang buhay, sinubukan niya pa ring tuparin ang kahilingan ng apo.

Dahil nag-viral ang mga larawan ng DIY wading pool, mayroong netizens ang nagmalasakit at nagbigay ng inflatable swimming pool para kay Princess. Ayon kay Agbayani, dalawang netizens ang nagbigay ng pondo upang ipambili ng inflatable pool na agad nilang ibinigay kay Princess.

Imahe mula kay Red-gelo Agbayani via Facebook

Makikita sa larawan na agad na ginamit ang inflatable pool ng ilang bata na tuwang-tuwa sa paglalangoy. Dahil sa pagiging matiyaga at mapamaraan ni Lolo Edgar ay nagkaroon ang kanyang pinakamamahal na apo ng pinapangarap nitong sariling pool.

“Kahit anong hirap ng buhay kung para sa pamilya ko, lalo na para sa apo ko, gagawin ko lahat ng makakaya ko,” ani Lolo Edgar.

Lubos naman ang pasasalamat ni Princess sa mga nagpaabot ng tulong upang magkaroon siya ng pinakaaasam na wading pool.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: