Ama mula QC na may sintomas ng COVID-19, nakarating sa Pampanga at 11 na ospital bago na-admit

  • Ibinahagi ng isang anak ang hirap na kanilang pinagdaanan para lamang makahanap ng ospital na tatanggap sa kanyang ama na may sintomas ng COVID-19
  • Ayon sa anak, 11 na ospital ang kanilang pinuntahan at nakarating pa sila sa Pampanga subalit wala pa ring tumanggap sa ama
  • Na-admit din sa ospital sa Valenzuela City ang ama subalit naghintay pa sila ng 12 oras

Ramdam na ng maraming Pinoy na may mga sintomas ng COVID-19 ang pagkapuno ng mga ospital lalo na sa Metro Manila. Dahil sa patuloy ng pagtaas ng naitatalang bagong kaso ng COVID-19 kada araw, marami sa mga ospital ay punuan na at nagtatayo na lamang ng mga tent sa labas ng pasilidad upang maging hintayan ng mga pasyente.

Imahe mula ABS-CBN News

Ayon sa Department of Health, tinatayang nasa “high risk” level na ang bed capacity ng malalaking ospital sa Metro Manila para sa mga pasyenteng mayroong COVID-19. Isang anak ang nagbahagi ng kanyang kuwento tungkol sa hirap na kanilang pinagdaanan para lamang madala ang ama na may mga sintomas ng COVID-19 sa kahit na anong ospital.

Kuwento ni Melchie Garcia, mula Novalichez, Quezon City ay naghanap sila ng ospital upang madala at ma-check up ang ama na may sintomas na ng COVID-19. Ang ama umano niya ay nakararanas na ng lagnat, ubo, at hirap sa paghinga.

Mula QC, nagpalipat-lipat na sila sa 11 na pagamutan subalit walang tumanggap sa kanyang ama dahil punuan na ang mga pasilidad. Hanggang sa nakarating na rin sila sa Pampanga subalit maski roon ay puno na rin umano ang mga ospital.

Imahe mula Facebook

Sa kanyang Facebook wall ay nagbibigay ng update si Melchie tungkol sa kalagayan ng ama. Kuwento niya, bumalik sila ng Metro Manila mula Pampanga upang maghanap pa rin ng ospital na tatanggap sa kanyang ama.

“Sabi ko, ‘Pa, lumaban ka. Kahit makarating tayong Batangas, Laguna, makahanap lang tayo ospital,” kuwento ni Melchie. Sinubukan din nila umanong tumawag sa One Hospital Command Center na tumutulong sa mga pasyente na makanap ng ospital na tatanggap sa kanila ngunit nang makatawag ay pang-32 pa raw sila sa pila.

Hanggang sa nakarating sina Melchie sa Valenzuela City at dito ay in-admit ang kanyang ama sa emergency room ng Ace Medical Center, subalit naghintay pa umano sila ng 12 oras bago ma-admit.

Isa lamang ang kuwento ni Melchie sa maraming Pinoy na lubos na nagdurusa ngayon dahil wala nang mapuntahang ospital para sana mabigyan ng karampatang lunas ang nararamdamang sintomas ng COVID-19.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: