52-anyos na viral magtataho noon, vlogger na ngayon; may mahigit 280k subscribers

  • Matatandaan na nag-viral sa social media ang isang magtataho dahil sa pamimigay niya ng libreng taho kapalit ng pag-subscribe sa kanyang YouTube channel
  • Upang magkaroon ng karagdagang kita ang 52-anyos na taho vendor, gumawa na rin siya ng YouTube channel
  • Sa ngayon ay nasa mahigit 280,000 na ang subscribers ng nasabing taho vendor

Marami nang mga kilalang vlogger ngayon ang nagpapatunay na malaki ang kita sa paggawa ng videos sa YouTube. Kaya naman maraming Pinoy ang sinusubukan itong tahakin, nagbabakasakaling mapabilang din sila sa hanay ng mga “most-paid vloggers” sa Pilipinas.

Imahe mula Facebook

Walang pinipiling edad ang pagba-vlog, hangga’t kaya mong makapag-record ng video, edit, at upload ay maaari mo itong subukan. Kabilang sa mga nagbakasakali sa pagba-vlog ay ang nag-viral noon na magtataho na si Tatay Gimmy Panis Conos.

Matatandaan na isa si Tatay Gimmy sa nagpaantig noon sa puso ng maraming netizen matapos siyang mamigay ng libreng taho sa mga Pinoy kapalit ng pag-subscribe sa kanyang YouTube channel. Bago pa ito, namimigay na talaga ng libreng taho si Tatay Gimmy sa mga bata simula noong nagkaroon ng pandemya.

Sa edad na 52, nahaharap na si Tatay Gimmy sa mga gastusing medikal dahil sa kanyang karamdaman. Dahil sa kuwentong ito ng magtataho, ibinahagi ng netizen na si Mary Christine Amoguis ang larawan ni Tatay Gimmy kaya naman lalo itong napansin ng maraming netizen.

Imahe mula Facebook

“Hello! kindly subscribe tatay’s channel, nagbibigay siya ng taho for free para ma-notice lang,” ani Amoguis sa kanyang post. Sa dami ng nakapansin nito, umabot na ngayon ng mahigit 280,000 subscribers ang YouTube channel ni Tatay Gimmy.

Nagbigyan din siya ng cash assistance na nagkakahalaga ng mahigit P25,000 mula sa mga netizens na nagpaabot ng kanilang tulong upang mayroon na siyang magastos sa kanyang mga gamot.

Imahe mula YouTube

Subalit sa hindi inaasahang pangyayari, nawala ang cellphone ni Tatay Gimmy at hindi na niya maalala ang credentials upang mabuksan ang YouTube channel. Muli naman siyang tinulungan ni Amoguis upang ma-recover ito.

Ang latest video ni Tatay Gimmy na may title na “Welcome Kataho sa Aking Unang YouTube Channel | Salamat sa Inyong Suporta” ay umani agad ng libo-libong views wala pang isang araw pagkatapos itong ma-post.