YOLO Retro Diner na pagmamay-ari ng Syrian vlogger na si Basel pinasok; pera at ilang gamit tinangay

Imahe kuha mula sa video ng The Hungry Syrian Wanderer via YouTube
  • Nadismaya si Basel dahil nilooban ang kanyang restaurant sa Las Piñas City
  • Ang lalaki ay pumasok sa maliit na bintana sa may dining area ng kainan
  • Ibinahagi ng vlogger ang CCTV videos at ilang detalye ng mga pangyayari sa kanyang YouTube channel

Mayo 12, isang malungkot na balita ang inilabas ni Basel ng The Hungry Syrian Wanderer sa kanyang YouTube channel.

Imahe via YOLO Retro Diner PH | Facebook

Nilooban ang kanyang YOLO Retro Diner Naga Branch sa Las Piñas City, noong Marso 12, Biyernes ng madaling araw. Nakuha ang pera, mga cellphones at ilang gamit ng nag-iisang lalaki na pumasok sa kanyang shop. Ibinahagi ni Basel ang pagkadismaya dahil ito ang unang pagkakataon na naranasan niya ang ganito.

“So mga tao, I woke up today to very, very bad news. My staff just called me. I woke up from my bed and something bad has happened. So somebody broke in our shop at YOLO Retro Diner and stole I think the cash, stole some things and then messed around in the shop and left,” pagsasalaysay niya habang papunta sa shop.

Dagdag pa niya, “It’s terrible news because I never experienced anything like that and now that I experienced something like that, I got trauma, mga tao.”

Ibinahagi ng sikat na vlogger ang kuha ng mga CCTVs sa restaurant at nakita rito kung saan dumaan ang lalaki. Sinira nito ang bintana malapit sa pinaglagyan ng aircon. Naiwan pa nito ang mga tools na ginamit.

Imahe kuha mula sa video ng The Hungry Syrian Wanderer via YouTube

Alam din ng lalaki kung saan ang lokasyon ng mga CCTV cameras dahil isa-isa niya itong inilihis upang hindi na tuluyang makunan ang mga pangyayari. May takip siya sa mukha ngunit may dalawang tattoo ito sa magkabilang braso na siyang isang palatandaan para makilala siya.

Ini-report ni Basel ang pangyayari sa pulis at agad namang nagpunta ang isang tauhan ng istasyon upang kumuha ng larawan at mag-imbestiga.

Ang YOLO Retro Diner ay isa sa dalawang restaurant ng vlogger na dinarayo ng mga suki at ng kanyang fans dahil sa masarap at murang pagkain. Ang isa pang branch nito ay matatagpuan sa San Antonio Valley Talon, Las Pinas.

Bukod sa mga kainan ay nagbukas din siya ng Korean grocery store, Yeoboseyo Korean Mart, na may branches sa Bacoor, Cavite at Talon 1, Las Piñas. Ito ay para sana sa Koreanong dati niyang tinulungan, si “Abeoji” ngunit hindi natuloy dahil sa nasira nilang relasyon.

Sa bandang huli, ang pinakaimportante umano kay Basel ay ligtas ang kanyang mga empleyado.

May pabuya siyang inihanda sa makapagtuturo ng suspek.