Pokwang sa mga tumatawag sa kanya ng ‘chaka’: Kapangitan ko ang nagpaganda sa buhay ng pamilya ko

Image via Pokwang | Instagram
  • Paminsan-minsan ay nagbabahagi ng opinyon sa kanyang Twitter account ang komedyanteng si Pokwang
  • Dito ay madalas daw punahin ng mga hindi sang-ayon sa opinyon niya ang kanyang hitsura
  • Ngunit para sa aktres, isang biyaya ang kanyang panlabas na anyo sapagkat dahil dito ay guminhawa ang buhay ng pamilya niya at nakatutulong siya sa iba

May mga pagkakataon na nagbabahagi ng kanilang mga hinaing, puna, at opinyon sa social media ang mga celebrity. Sa mga pagkakataong ito, hindi naiiwasan ang magkakasalungat na opinyon ng mga netizens. At minsan, mayroon ding mga personal na atake sa mga public figures.

Image captured from Twitter

Isa ang komedyante na si Pokwang, o Marietta Subong sa totoong buhay, sa mga ilang beses nang nakatanggap ng hindi magagandang salita mula sa social media users matapos niyang ihayag ang kanyang mga opinyon sa Twitter. Kuwento niya, madalas ay pintas sa panlabas na anyo na niya ang natatanggap kaysa ang dahilan ng hindi pagsang-ayon sa kanya.

“Nariyan ang tawagin kang pangit, chaka, etc.,” pagbabahagi niya.

Ngunit para sa aktres, isang biyaya ang kanyang panlabas na anyo dahil ito ang naging daan para guminhawa ang buhay ng pamilya niya at nakatutulong siya sa iba sa pamamagitan ng negosyo niya.

“Ang kapangitan ko ang nagpaganda sa buhay ng pamilya ko at ng mga nagtatrabaho sa aking negosyo na binubuhay ang pamilya nila na natulungan ng kapangitan ko e,” aniya.

Nilinaw din ni Pokwang na lahat ng Pilipino ay may karapatang maglabas ng saloobin, lalo na raw kung pamilyadong tao katulad niya.

Matatandaang nagpapahayag din ng supporta si Pokwang paminsan-minsan sa mga kapwa niya celebrity na ginagamit ang kasikatan para manawagan sa kung ano ang tingin nilang tama.

Image captured from Twitter