
- Taong 2018, nanalo bilang Best Nanny sa UAE ang isang Pinay OFW
- Subalit kahit na tumanggap ng malaking halaga, nanatili pa rin siya sa pinagsisilbihan niyang amo
- Alamin kung ano ang pagtrato sa kanya at bakit hindi niya maiwan-iwan ang kanyang amo at mga anak nito
Para sa ibang tao, ang mabuting pagsasamahan ay hindi matutumbasan ng anumang halaga.

Si Rosie Vargas Villa ay isang yaya sa Dubai na pinarangalan ng “UAE Best Nanny Award” noong 2018. Nakatanggap siya ng isang milyong piso dahil dito. Para sa iba, ito ay pagkakataon na sana niya upang umuwi sa kanila sa Iloilo at magsimula ng bagong buhay kasama ang kanyang anak. Subalit nanatili pa rin siya sa kanyang amo hanggang ngayon, magtatatlong-taon na ang nakalilipas.
Ano nga ba ang nagpapanatili sa kanya sa pagiging yaya sa Dubai?
Nakapanayam ng GMA Pinoy TV ang Pinay at ibinahagi nito ang kanyang kuwento.
Matagal na rin na pinalad si Rosie sa larangan ng pangingibang bansa. Bago siya napunta ng Dubai, nakapagtrabaho muna siya sa iba’t-ibang amo sa Hongkong, Singapore at India. Subalit hindi siya nakatagal sa trabaho dahil noong sa Hongkong siya, dalawa raw ang kanyang employer at dalawang oras lang din ang tulog niya. Sa India naman, hindi raw siya gaanong nakalalabas.
Napadpad siya ng Dubai nang ini-refer siya ng kanyang ate sa employer nito nang lumipat ito ng Dubai.
Masuwerte si Rosie sa naging amo niya dahil mabait ito sa kanya. Hindi raw yaya ang pagpapakilala ng amo sa mga anak nito kundi “special auntie”.
Para naman kay Rosie, mataas ang kanyang dedikasyon sa trabaho. Kanya ang gawaing bahay, pagbabantay ng mga anak ng amo pati na ng mga aso nito ngunit nagagawa niya itong lahat nang maayos.

Sa pagsasaliksik ng Kicker Daily News, natagpuan namin ang kanyang YouTube channel at nakita namin kung gaano siya kalapit sa mga inaalagaang bata. Malambing sila sa kanya at sa katagalan, natuto na rin sila ng ilang salitang Tagalog at kanta.
Malalim na ang naging samahan nila ng kanyang amo sa halos walong taon nitong pagsisilbi. Kaya may paliwanag siya sa mga nagsasabing bakit hindi pa raw siya umuuwi kahit na milyonarya na siya.
“Yong trabaho mapupunuan ko, mahahanapan ko. Pero ‘yong mga bata.. mga anak ko na sila saka parang kapatid ko na ang turing ko sa amo. Siya nga po yong ‘shoulder to cry on ko eh’.”
Paano naman ang sarili nitong anak?
Pahayag niya sa GMA Pinoy TV, malaki na raw ang kanyang anak at nakaiintindi na ito sa kanya. Pero ang mga inaalagaan niya sa Dubai, ayaw niya raw maiwan nang gano’n na lang bigla.
Bihira ang makatagpo ng amo kagaya ng kay Rosie kaya para sa kanya, ang isang milyon piso ay pera lang daw pero ang mga employer niya ay higit pa roon ang katumbas.
“Yon yong talagang hindi ko na..yon sigurong dalhin ko habang buhay tong mga employer ko sa mga bata dahil sa magandang pagsasamahan namin dito.
“Malakas pa naman ako. Hanggang malakas ako, dito ako!”
Panoorin ang kuwento niya rito.
< iframe width=”644″ height=”362″ src=”https://www.youtube.com/embed/IUaB2mun9_0″ frameborder=”0″ allow=”accelerometer; autoplay; clipboard-write; encrypted-media; gyroscope; picture-in-picture” allowfullscreen></iframe >