Nakabibilib na makeup illusion, natutunan lamang ng isang Pinoy sa kasagsagan ng community quarantine

Imahe mula kay Jay Dela Cruz via Facebook
  • Isang 21-anyos na makeup artist mula sa Antipolo ang nagbabahagi sa social media ng kanyang mga nakabibilib at nakaaaliw na makeup illusions
  • Ayon sa artist, natutunan lamang niyang mag-makeup sa kasagsagan ng community quarantine noong nakaraang taon
  • Sa ngayon ay sumusubok siya ng makeup illusions batay sa kanyang personal na interes at hinahamon ang kanyang sariling kakayahan

Maraming Pinoy ang nakatuklas ng iba’t ibang bagay at pagkakaabalahan noong ipatupad ang lockdown at community quarantine noong nakaraang taon. Inisip ng marami na isa ito sa mga magagandang naidulot ng pandemya dahil lumabas ang ibang potensyal ng mga Pinoy at nahubog ang kanilang talento.

Imahe mula kay Jay Dela Cruz via Facebook

Isa sa mga Pinoy na nakatuklas ng kanyang talento nang maganap ang community quarantine ay ang 21-anyos na si Jay Dela Cruz mula Antipolo. Kuwento ng makeup artist na si Jay, natutunan niya ang paggawa ng makeup illusions noong July 2020.

“I really love lang po talaga doing this kind of art po and talagang artistically inclined po ako because of my parents, they are both artists, good at playing colors po talaga,” ani Jay sa kanyang panayam sa Philippine Star.

Bukod sa makeup illusions, gumagawa rin siya ng mga nakamamanghang creative makeup looks gamit ang iba’t ibang cosmetics at water-based painting materials. Ibinabahagi niya ang mga ginagawang makeup illusions sa Facebook group na GUHIT Pinas kung saan ay umaani ang mga ito ng libo-libong reactions at mga papuri dahil sa galing ni Jay.

Imahe mula kay Jay Dela Cruz via Facebook

“I love to try something new po sa larangan ng makeup industry and creative makeup looks,” aniya. Ang kanyang tema at style ay kinukuha umano niya sa mga personal na interes at minsan ay hinahamon din umano niya ang kanyang sarili sa paggawa ng mga mas kakaibang makeup illusions.

“But maybe my biggest or major inspiration in doing creative looks is my father, my Papa Garry. He supports me all the time, ever since I decided to do and explore this art form,” kuwento pa ni Jay. Nagpasalamat naman siya sa maraming Pinoy online na sumusuporta sa kanyang larangan.