
- Himalang nakaligtas ang mga imahen ng santo mula sa isang natu
pok na ancestral house sa Passi City - Sa mga larawang ibinahagi ni Pao Paginado Dehan, makikita kung paano naapektuhan ng
apoy ang kanilang lumang bahay - Halos maabo na ang malaking bahagi ng bahay pero buo pa rin ang mga imahen
Matapos sumiklab ang apoy sa isang ancestral house sa Passi City, halos maubos ang mga ari-arian ng mga naninirahan at mga iniingatang memorabilya ng pamilya. Ngunit sa gitna ng trahedyang naganap, nagdala ng liwanag ang milagrong pagkakaligtas ng mga imahen ng poon na nanatiling buong-buo pa rin sa kabila ng sinapit ng lumang bahay.

Sa mga larawang ibinahagi ni Pao Paginado Dehan sa kanyang Facebook account, makikita kung paano naapektuhan ng apoy ang kanilang tahanan na halos naabo at nagiba na matapos ang sunog. Ngunit sa kabila nito, nanatiling buo ang mga banal na imahen na nasa pamilya na sa loob ng ilang taon — isang pangyayari na nagbigay din ng pag-asa ibang social media users at nagpaalala ng mga sandali kung kailan sila nakatanggap ng biyaya.
“Inspirasyon ko ang imahen ng Panginoong Dios Hesus Kristo at Mama Mary,” ani Alvilyn Mendoza Viloria. “Kapag nakita ko sila, may lakas ako. Kahit po iyong rosary ay nagbibigay din po ng grasya sa amin at mas lumalakas po ang aming kalooban.”
Kuwento naman ni Hsiri Teragram, “Same thing sa nangyari noong nasunog ang bahay na inuupahan ng tita ko at ng best friend niya sa Gagalangin, Tondo. Iyong sunog, nagmula naman sa katabing factory na inabot ang apartment na inuupahan nila. Natupok na lahat…bukod tangi iyong kuwarto ng tita ko na mayroong altar. Naroon lahat ng imahen na mayroon siya, kasama ang frame ng Our Lady of Perpetual Help, Crucifix, Bible, at iba pa. Nakaligtas din lahat ng mga papeles sa lupa. Natatandaan ko na sa kuwartong iyon ako tinuturuan noon ng tita ko magdasal ng Holy Rosary bago matulog.”
