
- Pagkatapos ng anim na dekada ng paghahanap ng closure, nakausap na ni Lola Avelina ang first love niya
- Sa recent episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, natunghayan ang muling pag-uusap nina Lola Avelina at Lolo Guillermo
- Sa pamamagitan ng video call, nagkalinawan at nakapagkumustahan ang dalawa; tinanong din ni Lolo Guillermo kung nais ba ni Lola Avelina na madugtungan ang kuwento nila
Pagkatapos ng anim na dekada ng paghahanap ng kasagutan sa biglaang pagkawala ng unang pag-ibig niya, natagpuan na ng 85-anyos na si Lola Avelina ang dating kasintahan na si Lolo Guillermo.

Sa recent episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, natunghayan ang muling pag-uusap nina Lola Avelina at Lolo Guillermo. Sa pamamagitan ng video call, nagkalinawan at nakapagkumustahan ang dalawa.
“Nagkaroon kami ng hindi pagkakaintindihan. Hindi ko nakatuluyan iyong pinagdududahan niya dahil siya lang ang aking mahal,” kuwento ni Lolo Guillermo. “Nakasalubong ko siya. Sabi ko, ayaw na niya sa akin. Nawalan kami ng contact. Sabi ko lang sa sarili ko, hihintayin ko iyong pagkakataon na magkita pa tayo muli. Palagi ko siyang itinatanong sa aking damdamin, “Nasa’n ka, Avelina?'”
Ngayong pareho nang yumao ang kanya-kanyang asawa, ang tanong niya kay Lola Avelina, “Wala ka nang pananagutan. Kung sabihin ko sa’yong buhayin natin muli ang ating pag-ibig?”
“Naku, matanda na tayo. Hindi na. Huwag na,” tugon ng matandang babae. “Hindi na ako nakakalakad. Masakit na ang mga tuhod ko.”
Nakangiting sagot naman ni Lolo Avelino, “Gagawa ako ng paraan para makalakad ka.”
Ang paghihintay ni Lola Avelina
Matatandaang libo-libo ang naantig kamakailan lamang nang ibahagi ng matandang babae ang kuwento ng ilang dekadng pangungulila niya sa kanyang first love.
“Hindi ko talaga makalimutan ang first love ko. Siya pa lang kasi ang lalaking nagsabi sa akin na mahal niya ako,” ani Lola Avelina sa salaysay na ibinahagi ng KMJS. “Ang pangalan niya, Guillermo. Noong 1950s kami nagkakilala. Matipuno siya. Nagbo-boxing, lumalaban sa mga barangay sa Maynila. Matangos ang ilong.”
“Noong una pa lang, sabi niya, ‘Puwede ba kitang ligawan?’ Umabot ng isang taon bago kami naging magnobyo’t nobya. Apat na taon din kaming magkarelasyon,” pagpapatuloy niya. “Minsan, napapanaginipan ko siya. Sabi ko, ‘Hoy, ang daya mo! Sabi mo walang iwanan. Ba’t mo ako iniwan? Hindi ka man lang nagpaalam!’”
