Karla Estrada ipinagdiwang ang weight loss journey: ‘Kahit kaunting achievement ipagmalaki mo!’

Imahe mula kay Karla Estrada via Instagram
  • Ibinahagi kamakailan ni Karla Estrada sa kanyang social media account ang naging achievement sa pinagdaanang weight loss journey
  • Ayon kay Karla, kahit maliit na achievement ay karapat-dapat na ipagmalaki at ipagdiwang dahil doon nag-uumpisa ang pagkatupad ng mga ninanais
  • Kahit maituturing na “plus size,” isa si Karla sa mga nagbibigay inspirasyon upang maging confident ang kababaihan sa kanilang katawan

Tiyak na maraming Pinoy ang sasang-ayon kapag sinabing isa sa pinakamahirap na bagay na makamit ngayon ay ang pagda-diet. Bukod kasi sa masarap nga namang kumain, nalimitahan din ang paggalaw ng katawan ng maraming Pinoy dahil sa umiiral na lockdown.

Imahe mula kay Karla Estrada via Instagram

Kaya naman ilan sa mga celebrities, TV personality, at influencers ang nagpo-promote ng pag-ehersisyo o workout kahit sa loob lamang ng bahay. Hindi kasi kinakailangan na pumunta pa sa gym para lang makapag-ehersisyo: maraming workout routine ang kayang-kayang gawin kahit nasa loob lamang ng bahay.

Isa sa mga nagbibigay inspirasyon para sa kababaihan na maituturing na “plus size” ay ang aktres at Magandang Buhay host na si Karla Estrada. Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Karla ang “before and after” effect ng isang taon niyang pagwo-workout.

“Kala n’yo, ha! Kahit kaunting achievement ipagmalaki mo! Dyan lahat mag-uumpisa yan. Let’s go, mga momshie! ‘Wag na masyado madaming dahilan! LABAN PARA SA KALUSUGAN!” ang inilagay na caption ng Magandang Buhay host kalakip ang kanyang larawan noong March 2020 at March 2021.

Imahe mula kay Karla Estrada via Instagram

Agad naman sinuportahan ng mga netizens at kapwa artista ni Karla ang kanyang weight loss journey. Nag-iwan ang mga ito ng mga positibong komento.

Celebrate what your body can do for you! Keep strong, sexy, happy and healthy, QMF!” ani aktres Iza Calzado.

Matatandaan na noong nakaraang Disyember, mayroong sinagot si Karla na IG comment sa isa niyang post habang nakasuot ng swim suit at nasa Boracay.

“Sana lahat may confidence magsuot ng swimsuit, ako kasi parang hindi kasi mga tao ngayon manghuhusga agad gustong gusto ko sana magsuot ng ganyan kaso yung katawan ko chubby,” ani ng IG user.

Sinagot naman ni Karla ang naturang komento ng: “‘Wag mong isipin ang ibang taong mapanghusga, wala silang saysay sa buhay natin! Suot mo lahat ng gusto mo na ikasasaya mo! Go!”

Bukod sa pagiging confident sa katawan, pino-promote din ni Karla ang pagkakaroon ng magandang kalusugan lalo na sa panahon ngayon.