Ilang lugar sa Camp Crame, pinag-aaralan ng PNP kung maaaring gawing quarantine facility

Imahe mula PNP Facebook page
  • Nasa mahigit 1,400 ang aktibong kaso ngayon ng COVID-19 sa PNP
  • Malaking bahagi ng mga active COVID-19 cases sa PNP ay nakakalat sa iba’t ibang quarantine facilities
  • Dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19 at pagkapuno ng mga pagamutan at quarantine facilities, pinag-aaralan ng PNP na gawing quarantine facility ang ilang bahagi ng Camp Crame

Umabot na sa mahigit 670,000 ang tinamaan ng COVID-19 dito sa bansa. Noong mga nakaraang linggo ay nasa 5,000 hanggang 7,000 mahigit ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19, kaya naman ipinatupad na ang granular lockdown sa malaking bahagi ng NCR at ang tinawag nilang “NCR Plus.”

Imahe mula PNP Facebook page

Sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 at pagpapatupad ng lockdown, isa ngayon sa pinoproblema ng maraming local government units ay ang pagkapuno ng mga pagamutan at quarantine facility sa kanilang lugar at mga karatig-lugar.

Kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus sa hanay ng kapulisan, isa ngayon sa kanilang pinag-aaralan ay ang pagko-convert ng ilang bahagi ng Camp Crame upang gawing quarantine facility.

Sa balita kamakailan ay sinabi ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Guillermo Eleazar na sa kabuuan, 1,446 ang kasalukuyang aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP. Mula sa bilang na ito, 51 ang nasa ilang pagamutan habang 1,395 naman ang kasalukuyang nakakalat sa iba’t ibang quarantine facilities.

Imahe mula Wikimedia Commons

Kaya naman pinaplano ng PNP na magdagdag ng quarantine o isolation facilities para sa mga miyembro na tinamaan ng virus. Ani Eleazar, nakikipag-ugnayan na sila sa mga kinauukulan upang maumpisahan na ang mga gagawing quarantine facility sa loob ng Camp Crame.

“[S]a loob ng ating Camp Crame tumingin na kami sa mga facilities na puwede namin ma-convert na quarantine o isolation facilities para sa sitwasyon na kung talagang tataas pa ay meron tayo paglalagyan para sa ating mga kasamahan,” ani ng kasalukuyang PNP officer-in-charge.

Matatandaan na nagpositibo si PNP Chief Debold Sinas sa COVID-19 kaya naman si Eleazar muna ang pansamantalang humalili sa kanyang puwesto.

Nasa libo-libo man ang kaso ng COVID-19 case sa PNP, 61% naman umano ng kabuuang kaso sa Metro Manila ang naka-recover na mula sa virus. Patuloy din ang isinasagawang vaccination program sa PNP.

Sa kasalukyan, nasa higit  2,000 PNP health personnel na ang naturukan ng COVID-19 vaccine.