Idol Raffy Tulfo magbebenta ng kanyang mga damit, sapatos para ibigay sa charity

Imahe kuha mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel
  • Ipinasilip ni Idol Raffy Tulfo sa kanyang programa ang mga damit at sapatos na kanyang ibebenta
  • Kasama ang kanyang asawa at anak, naglunsad si Tulfo ng kanilang sariling e-commerce business na tinawag na Idol Shopping Network (ISN)
  • Sa ISN ay ibebenta ni Tulfo ang ilan sa kanyang mga branded na damit at sapatos at ang perang mapagbebentahan ay ibibigay sa pinili niyang charity

Bukod sa mga dumudulog na nagrereklamo, isa rin sa mga pinakaaabangan ng maraming Pinoy sa programang Idol in Action at Wanted sa Radyo ni Idol Raffy Tulfo ay ang kanyang mga isinusuot na mamahaling sapatos at mapopormang polo shirts.

Imahe kuha mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel

Una nang sinabi ni Idol Raffy na siya ay mahilig sa sapatos at kanya nang hobby ang pagbili ng mga ito—makikita naman ang mga mamahalin niyang collection tulad ng Nike, Balenciaga, Louis Vuitton, at iba pang luxury brands.

Bukod  sa sapatos ay makikita rin ang kanyang galing sa pagporma dahil sa mga isinusuot na mamahaling polo shirts at long sleeves. Maski sa news program na Frontline Pilipinas ay nagsusuot naman siya ng suit and tie.

Kamakailan sa kanyang YouTube channel, ibinahagi ni Idol Raffy na marami sa mga Pinoy na nakatutok sa kanyang mga programa ang nais makita ang koleksyon ng kanyang mga damit at sapatos. Kaya naman ipinasilip niya ang ilan sa mga pag-aaring sapatos at damit tulad ng polo shirts, long sleeves, suits, at mga kurbata.

Imahe kuha mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel

Subalit bukod sa pagpapakita ng kanyang mga pag-aaring damit at sapatos, sinabi rin ni Idol Raffy na ilan sa mga ito ay kanyang io-auction o ibebenta online sa ilalim ng e-commerce business na kanyang itinatag kasama ang asawang si Jocelyn at anak na si Ralph.

Tinawag na Idol Shopping Network (ISN), sa e-commerce business na ito ibebenta ni Idol Raffy ang ilan sa kanyang mga ipinasilip na damit at sapatos. Ang perang maiipon mula sa mga napagbentahan ay 100% umanong ibibigay ni Idol Raffy sa charity.

“Magki-create po ako ng calamity fund at doon ko kukunin yung mga pambili ko ng relief goods, na ginagawa ko na noon pero gagawin ko ngayon with this new project para mai-share ko po sa inyo ‘yung pinagpaguran ko,” ani Idol Raffy. Sinabi pa niya na hindi niya tataasan ang presyo ng mga ibebentang damit at sapatos.

Panoorin ang collection ng mga sapatos at damit ni Idol Raffy sa video na ito: