Grand tulong: Walong magkakapatid pagagawaan ng sariling tahanan ng ‘Hari ng Public Service’

Imahe via Mercedita Babao Itom via Facebook, Imahe kuha mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube
  • Pagagawaan ng RTIA host ng bahay ang walong magkakapatid na wala nang magulang na kumakalinga
  • Sinagot naman ng mayor ng Oroquieta City ang lupa na pagtatayuan ng kanilang bahay
  • Panawagan naman ni Raffy sa ina ng mga bata na huwag na itong bumalik sa kanyang mga anak

Walong magkakapatid sa Oroquieta City, Misamis Occidental ang wala nang magulang na kumakalinga.

Imahe via Mercedita Babao Itom via Facebook

Ang magandang balita, magpapaabot ng tulong ang RTIA host na si  Raffy Tulfo upang magkaroon na ng disenteng tirahan ang magkakapatid ng pamilya Mahinay dahil sa nakaaawang sitwasyon ng kanilang silungan ngayon. Sasagutin nito ang pagpapatayo ng kanilang bahay pati na mga kasangkapan. Ito umano ay magkakaroon ng apat na kuwarto at dalawang palikuran, ayon sa kahilingan ng magkakapatid.

Samantala, sa panayam ni Raffy kay Mayor Lemuel Mayrick Acosta, ipinangako ng huli na siya na ang maghahanap ng lupa para sa ipagagawang bahay.

Hiniling din ni Raffy sa kinatawan ng CSWDO na si Lilian Gallardo na pag-aralan kung puwedeng magkaroon ng mapagkakakitaan ang mga bata na maaaring gawin sa linggo para hindi naman maabala ang kanilang pag-aaral.

Nauna nang nagpadala ng P50,000 ang programa ng Raffy Tulfo In Action.

Malaki ang pasasalamat ng magkakapatid sa TV host. Pinangunahan ito ni Jona, ang panganay na kasalukuyang nasa first year college.

Pinayuhan din sila ni Raffy na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral dahil may ilan sa kanila ang napatigil na.

Imahe via Mercedita Babao Itom via Facebook

Matatandaang isang Mercedita Babao Itom ang nagmagandang loob na lumapit sa programang “Wanted sa Radyo” upang humingi ng tulong para sa pamilya Mahinay. Kapitbahay diumano niya ang pamilya at napansin nitong palaboy-laboy na lang ang mga bata dahil sa kawalan ng kumakalinga sa kanila.

Nang naulila sa ama ang magkakapatid, umalis umano ang kanilang ina at sumama na sa iba. Nangamba si Raffy na baka bigla na lang lilitaw ang ina ng mga bata kapag sila ay napatayuan na ng bahay kaya’t nais niyang matiyak na hindi na ito babalik.

Marami na talaga ang natulungan ni Raffy Tulfo sa kanyang programa. Ito ang dahilan kung bakit binansagan siyang “Hari ng Public Service”.

Panoorin dito ang buong kuwento ng Mahinay siblings: