Grade 4 student nagmistulang teacher upang tulungan sa pag-aaral ang ibang mga bata sa Zamboanga

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube
  • Isang siyam na taong gulang na babae ang tinawag na “batang maestra” dahil nagmistulang guro sa ibang mag-aaral
  • Napansin ng batang maestra na maraming bata ang mag-isang nagsasagot ng kanilang modules kaya naman naisipan niyang tulungan sa pag-aaral ang mga ito
  • Nagsisilbing classroom nila ang bakanteng lote sa Zamboanga at sinasabi ng mga natuturuang bata na malaking tulong sa kanilang pag-aaral ang batang maestra

Bagama’t nasa loob na ng tahanan ang mga estudyante na sumasailalim sa modular distance learning, may pagkakataon pa rin na hindi sila natututukan ng kanilang mga magulang lalo na kung ang mga ito ay may trabaho.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Sa programang “On Record” ng GMA News, itinampok nila ang tinawag na “batang maestra” dahil nagtuturo ito ng mga bata sa kanilang lugar upang matulungan sa kanilang pag-aaral.

“Kasi po ’yung mga magulang nila po, walang oras na magturo sa kanilang mga anak dahil naghahanapbuhay din po sila sa pang araw-araw po nila,” ani ng siyam na taong gulang na si “Teacher” Axel Guevarra  mula Pampanga.

Kaya naman noong nakaraang Pebrero ay inumpisahan ni Axel, sa gabay na rin ng kanyang ina na si Rosalie Guevarra, ang pagtuturo sa mga kapwa niya mag-aaral sa kanilang lugar.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Ang tinuturuan ng siyam na taong gulang ay halos mga kapareho din niyang grade 4, at may ilan din na mas bata sa kanya. Kuwento ni Rosalie, nakikita umano niya ang interes ng mga bata sa tuwing nagkakaroon sila ng teaching lessons kasama ang kanyang anak na si Axel.

“Kasi nakikita ko po talaga ma’am na interesado po talaga sila,” ani Rosalie sa kanyang panayam sa On Record. Dagdag pa niya, likas na kay Axel ang pagiging mabuting mag-aaral.

“Simula noong bata pa, napakabibo na niya. Sa totoo, kapag pinag-uusapan ang pag-aaral hindi mo na siya (Axel) kailangan na turuan pa, pagsabihan pa, alam na niya yung dapat gawin. Tsaka ayaw niya niyang mag-absent,” kuwento pa ni Rosalie.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Ayon naman kay Axel, masaya siya sa pagtuturo sa ibang bata dahil natutulungan niya ang mga ito sa pag-aaral. At kahit siya ay nagmistulang guro, hindi naman nito nalilimutan na gawin ang kanyang sariling module.

Sa umaga ay nagtuturo ng mga kapwa estudyante si Axel, pagdating ng hapon ay naglalaro naman ito, at sa gabi ay tinatapos niya ang mga aralin. May pagkakataon pa nga raw na umagang-umaga pa lang ay may naghahanap nang bata kay “teacher” Axel.

Bagama’t nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ngayon ang Zamboanga, sinusuportahan naman ng Department of Education ang ginagawang tutoring ni Axel.

Tinitiyak na lamang nina Axel at Rosalie na hindi magiging crowded ang bakanteng lote na pinagdadausan ng tutor, at namimigay din sila ng libreng face mask at face shield. Sumusunod rin ang mga ito sa proper health and safety standards.

Ang sarap suportahan ng ganyang gawain!