
- Isang artist mula sa Tagaytay ang gumagamit ng face mask upang magparating ng mensahe tungkol sa pag-aalaga ng kalikasan
- Pagkatapos linisin ang mga nagamit na face mask, nire-recycle ito ng nasabing artist bilang kanyang canvas
- Libo-libong netizens ang bumilib sa painting na ang karaniwang itinatampok ay larawan ng kalikasan
Sa pagtapon ng nagamit na face mask, ipinaalala ng mga eksperto na hindi ito basta-basta inilalagay sa basurahan. Bukod sa isang beses lang maaaring gamitin ang disposable face mask ng walo o higit pang oras, kinakailangan itong sirain at tipunin sa isang lalagyan kapag itatapon na. Hindi rin ito puwedeng ihalo sa mga basura tulad ng mga naitapon nang pagkain.

Subalit para sa isang artist, hindi lamang proteksyon ang tungkulin ng mga face mask, dahil maaari din itong gamitin bilang isang obra upang ipaalala sa mga Pinoy ang kalagahan ng pag-aalaga sa kalikasan.
Ibinahagi ng GMA News Facebook page ang mga obrang gawa ni Mark Jay V. Bambao mula sa Tagaytay City. Nakabibilib ang kanyang mga painting dahil iginuhit lang ito sa nagamit nang face mask.
Siniguro ni Mark na nalinis niyang maigi ang nagamit na face mask bago ito gamitin bilang canvas sa iguguhit na painting. Ayon kay Mark, nais niyang maging boses ng kalikasan ang kanyang mga obra na karaniwang itinatampok ay mga bundok, lawa, kagubatan, at iba pang magagandang scenery at maski mga hayop.

“Hindi ko sinusulong na magpinta sa gamit na face mask, ang gusto ko ay makita ng iba ang mawawala kapag hindi maayos na dinispose ang mga face mask na tiyak na nasa ilalim na ng dagat, mga ilog, kanal at kung saan saan pa,” ani Mark na dating freelance painter.
Sa isa niyang obra gamit ang face mask, itinampok ni Mark ang larawan ng isang pawikan at ginamit ang mga hashtags na “Kambas ng kalikasan,” “Proper disposal of face mask,” at “Sa atin sana magsimula.”
Mayroon ding YouTube channel ang nasabing artist kung saan mapapanood ang ilan sa kanyang mga pagguhit.
Panooring ang kanyang MASKambas video: