Erwan Heussaff, Ninong Ry pinag-uusapan na ang collab at posibleng online cooking series

Imahe mula Instagram
  • Kilala ang mga personalidad na sina Erwan Heussaff at Ryan Morales “Ninong Ry” Reyes dahil sa kanilang galing sa pagluluto
  • Kamakailan ay nagpahiwatig ang dalawa sa social media ng possible collaboration
  • Ang proyekto ng  dalawa ay maaaring online cooking series

Isa ka rin ba sa mga naaaliw manood ng mga nagluluto online?

Bukod kasi sa matututunan mo ang iba’t ibang pagluto ng mga putahe, nakatatakam ding tignan ang mga pagkain dahil sa iba’t ibang paraan ng videography.

Imahe mula Instagram

Kabilang sa mga personalidad na nakilala sa social media dahil sa kanilang galing sa pagluluto at mga nakatatakam na recipes ay sina Erwan Heussaff at Ryan Morales “Ninong Ry” Reyes.

Sa kanilang social media accounts, nagpahiwatig sina Erwan at Ninong Ry ng pagkakaroon nila ng posibleng collaboration para sa kani-kanilang platforms.

Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Ninong Ry ang screenshot ng message sa kanya ni Erwan na siyang unang nag-reach out.

“Hey man, love all the videos that you’ve been putting up. I’m working on a new channel and I think it would be cool if we did a show/series together. Let me know and I can present the idea to you!” ang mensahe ni Erwan kay Ninong Ry.

Imahe mula Instagram

Sinagot ni Ninong Ry si Erwan ng, “Very interested! Tara pag-usapan natin haha!” Nagbahagi rin siya ng screenshot ng naging video conference nila ni Erwan kasama pa ang ibang magiging posibleng staff ng proyekto.

Bago maging aktibo sa kanyang IG at YouTube channels, unang nakilala si Erwan sa kanyang website na “The Fat Kid Inside” kung saan nagbabahagi siya ng iba’t ibang putahe para sa panlasang Pinoy at maski mga putahe mula sa iba’t ibang bansa.

Imahe mula Instagram

Nag-viral naman sa social media ang mga nakatatakam na videos ng mga niluluto ni Ryan na nakilala sa tawag na “Ninong Ry” dahil ang kanyang mga fans ay tinawag niyang mga “inaanak.”

Siguradong kaabang-abang ang magiging proyekto nina Erwan at Ninong Ry dahil may kanya-kanya silang style sa pagluluto at maski sa pananalita.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by Ryan (@ninongry)