
- Umani ng iba’t ibang awards ang recycled costume ng isang estudyante na gawa sa balikbayan boxes at dinisenyo ng kanyang ama
- Kinuha ang inspirasyon ng nasabing costume sa iba’t ibang uri ng ibon sa Pilipinas kabilang na ang agila at sarimanok
- Sa kabila ng ganda ng costume na gawa sa balikbayan boxes, nakalulungkot na kuwento ang nasa likod nito
Hindi pa man pinahihintulutan ang face-to-face classes, hindi naman nito mapipigilan ang pagkakaroon ng school events tulad ng pagkakaroon ng beauty pageants sa pagitan ng mga estudyante.

Kamakailan ay naganap ang annual beauty pageant ng Veritas Catholic School kung saan ay sumali ang 9-anyos na estudyanteng si Agatha Kriszel Gonzales. Sa YouTube video, ibinida ni Agatha ang kanyang nakabibighaning recycled costume na gawa sa balikbayan boxes at dinisenyo ng kanyang ama.
Ayon kay Anthony “AG” Gonzales, ama ni Agatha, kinuha nilang inspirasyon ng costume ang iba’t ibang uri ng ibon na matatagpuan sa Pilipinas. Ang katawan ng costume ni Agatha ay ginaya sa Philippine eagle, habang ang kamay naman ay ginaya sa mga ibong maya, at ang buntot ay ginaya sa mga peacock.
Ang inspirasyon naman sa headdress ay ang sarimanok; isang iconic symbol ng Maranao art.
“We thought of something unique, at the same time still in line with the theme of protecting the environment,” ani AG na nakatulong ang pagiging Fine Arts graduate sa University of Santo Tomas.

Dahil sa nakabibilib na costume, nakuha ni Agatha ang Best in Recycled Costume category kabilang na ang ibang major awards tulad ng Miss Advocacy, Miss Popularity, Miss Talent, at ang mismong pageant title: Miss Valiant.
Kuwento ni AG, habang nag-iisip sila ng kanyang asawa na si Kristine at kapatid na si Anna Lynn ng magiging costume ni Agatha, napansin nila ang mga balikbayan boxes na nagmula pa sa Singapore kung saan sila dating naninirahan, “we thought, why not make use of them?”
Bagama’t naging makabuluhan ang balikbayan boxes, malungkot naman ang kuwento sa likod nito.
Ayon kay AG, 15 taon silang nanirahan ng kanyang pamilya, ang asawa at dalawang anak kabilang na si Agatha, sa Singapore subalit napilitan silang umuwi sa Pilipinas noong nakaraang taon matapos ma-deny ang kanilang permanent residency.

“It was hard for us because we stayed there for 15 years and we needed to ship all our stuff back to the Philippines—that’s 13 boxes. We haven’t even finished unpacking yet,” ani AG.
Ngayon ay unti-unti umanong nag-aadjust ang kanyang pamilya sa kanilang bagong buhay sa Pilipinas at ang mahalaga umano ay kasama nila ang ibang kapamilya dito.
Samantala, masdan ang winning costume: