
- Sa isang vlog ni Erich Gonzales ay nakapanayam niya si Carlo Aquino na nagkuwento tungkol sa kung paano nagsimula ang relasyon nila ni Trina Candaza
- Inamin ni Carlo na matapos niyang makita si Trina sa isang event ay hinanap na niya ito sa social media at naging stalker
- Sa ngayon ay mayroon nang anak sina Trina at Carlo, ang five-month-old na si Enola Mithi
Itinampok kamakailan ng aktres na si Erich Gonzales sa kanyang vlog ang tinawag niyang “rare interview” kasama ang aktor na si Carlo Aquino. Sa vlog na ito ay nagkaroon lamang ng simpleng question and answer portion sina Erich at Carlo tungkol sa iba’t ibang bagay tulad ng karera sa showbiz at pamilya.

Sa vlog ay ikinuwento ni Carlo ang unang beses na nagkakilala sila ng kinakasama ngayon na si Trina Candaza. Matatandaan na nasangkot si Carlo sa isang malaking isyu kasama si Angelica Panganiban matapos aminin ng aktor na napaasa niya ang dating nobya na si Angelica.
Taong 2018 nang magkasama ang dati nang magka-loveteam na sina Carlo at Angelica sa pelikulang “Exes Baggage.” Pagkatapos ng pelikula ay sweet pa ang turingan nila sa isa’t isa lalo na sa social media.
Subalit taong 2019 nang magkabalikan sina Carlo at ang dati na niyang nobya, ang model na si Trina Candaza. Marami man ang kumutya sa dalawa ay hindi naman nito natinag ang kanilang relasyon.
Sa vlog nga ni Erich ay inamin ni Carlo na pagkatapos niyang makita si Trina sa isang event tampok ang mga motorsiklo ay hinanap niya umano ito sa social media.

“Mahilig kasi ako sa mga motor, ‘di ba? So, isang beses, niyaya ko ‘yung kaibigan ko na pumunta sa mga show. Tapos siyempre, may mga models, mga babae. Ikot-ikot lang ako. Tapos nakita ko siya (Trina). Sabi ko, ‘ganda ng mata mo.’ Siya lang ‘yung napansin ko talaga. ‘Tapos nagpa-picture ako sa kanya.”
Dagdag pa ng aktor, “After a few weeks, hinanap ko siya sa Facebook. Actually, kilala ko pala ‘yung sister niya. So, hinanap ko siya doon sa Facebook ng [kapatid]. Nag-stalk pa ako!”
Nang mahanap umano ang profile ni Trina ay agad niya itong chinat at niyayang lumabas.
Sa Facebook post naman ni Trina ay ibinahagi niya ang pagkakaroon ng crush kay Carlo at mayroon pa siyang shared post tungkol sa aktor noong 2018.
Inamin din ng aktor na hindi naging steady ang kanilang relasyon noong una.
“Tapos yun, nagkita ulit kami. Nag-pursue ako kasi hindi ko siya makalimutan. After nine, ten months, naging kami.” October 2019 nang kumpirmahin nina Carlo at Trina ang kanilang relasyon.
Nagbunga ang relasyon ng dalawa, ang five months old ngayon na si baby Enola Mithi.