
- Isang bride ang nagnais na maging memorable ang kanyang araw ng kasal kahit sa gitna ng pandemya
- Kaya naman naisip na lamang niyang maglakad papuntang simbahan imbes na sumakay sa bridal car
- Ayon sa bride, ang orihinal na plano nila ng kanyang groom ay aakyat sa hagdan ng simbahan subalit nagbago ang plano para sa kanilang kasal dahil sa pandemya
Kung noon ay marami ang isinasaalang-alang sa tuwing ikakasal tulad ng simbahan, reception, gagamiting bridal car, mga ihahandang pagkain, mga bulaklak, entourage, at iba pa, ngayon ay doble ang iisipin ng mga magkasintahan na ikakasal dahil limitado lamang ang kanilang kilos dahil sa pandemya.

Isa ang magkasintahan at ngayon ay mag-asawa nang sina Irone at May Boquiron sa mga katatapos lamang ikasal subalit naging agaw-pansin ang kanilang wedding ceremony dahil pinili ng bride na si May na mag-walkathon o maglakad lamang papuntang simbahan imbes na sumakay sa kanilang bridal car.
Ang kuwento nina May at Irone ay itinampok sa programang “Mars Pa More” ng GMA News TV. Tinanong ng hosts na sina Camille Prats at Iya Villania-Arellano kung bakit naisipan ng bride na maglakad na lamang papuntang simbahan.
“Yung original plan namin, yung church na napili namin yung supposed to be pataas yung akyat, yung may mataas na hagdan. Yun dapat yung idea ko ng ‘walking,’ but then nagka-pandemic so we have to cancel the plans,” pagbabahagi ni May.

Ayon pa sa bride, dahil gusto niya maging memorable ang kasal, nag-isip siya ng ibang paraan, “memorable naman siya per se, pero I want to look back to it para makita ko siya na kakaiba. Since walking distance lang naman yung church, why not walk na lang.”
Mapapanood sa video na ibinahagi ng mag-asawa ang paglalakad ni May sa kalsada habang mayroon siyang taga-alalay sa suot na gown at taga-hawak sa kanyang mga gamit. Nakasuot din sila ng facemask na nababagay sa suot pangkasal.

Bukod sa pag-iisip ng kakaiba sa kanilang kasal, napilitan din umano silang bawasan ang mga inimbitahang guests dahil na rin sa health protocols. Ayon kay Irone, mula sa 150 to 200 guests sana, naging 30 na lang ang kanilang mga panauhin na binubuo ng kanilang mga pamilya at malalapit na kaibigan.
“Actually inisip naming i-postpone. Kaya lang parang after a month naisip namin, even after the pandemic ‘yung new normal iba rin naman. So I guess it might be better na ituloy na rin kaysa i-postpone na hindi namin alam kung kailan pa siya matutuloy,” ani pa ni May.