
- Isa sa mga kinaaaliwan ng mga bata noon ang pagpapaulan ng “snow” gamit ang styrofoam
- Ikinukuskos nila ang styrofoam sa magaspang na pader para maglaglagan ang maliliit na piraso mula rito
- Sa post ng isang Facebook page, bumalik sa nakaraan ang mga “young once” at inalala ang masasayang sandali ng kanilang kabataan
Kumpara sa mga modernong laruan at gadget ngayon, hindi hamak na mas simple ang pinagmumulan ng tuwa ng mga bata noon—kabilang dito ang mga simpleng bagay katulad na lamang ng styrofoam na ikinukuskos nila noon sa magaspang na pader para magpaulan ng kunwaring niyebe o fake snow.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, bumalik sa nakaraan ang mga “young once” at inalala ang masasayang sandali ng kanilang kabataan; mga panahong imahinasyon lamang ang puhunan upang makalikha ng magagandang gunita. Wika nila, hindi nila makalilimutan ang tuwang dala ng paglalaro nito noon, bagama’t hindi ito gusto ng mga magulang at kapitbahay nila dahil sa kalat na nililikha nito.
“Nag-uunahan kaming maubos ang styrofoam sa pagkaskas sa pader dapat,” pagbabahagi ni Cristina Dela Cruz. “Iyong magaspang dapat para maubos kaagad tapos iipunin namin at saka ihahagis paitaas para kunwari umuulan ng snow pagbagsak nito.”
“Ganiyan lang dati pero masaya na kami. Hahaha!” kuwento ni Yao Senar. “Kahit tirik ang araw, basta iyan ang laruan namin, talo pa ang winter sa Korea!”
“Aakyat ka pa sa mataas na pader para habang bumabagsak at inililipad ng hangin. Snow na snow,” ani Donato Morado.
“Maliban sa snow, inuulan din kami noon ng sigaw ng mga galit na kapitbahay,” pagbabalik-tanaw ni Ron Tom.
Ayon naman kay Joan Vicencio, “Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit nagagalit sa amin ang mga nakatatanda noon kapag nagkikiskis kami niyan.”

Makalat nga naman talaga, hindi ba? Ikaw, nakapaglaro ka rin ba ng pekeng snow na ito noon? Kung oo, ibahagi sa amin ang iyong kuwento!
very nice keep it up