Walang ideya sa pandemya: Isang ‘bagong mundo’, hinaharap ng binatilyong 10 buwang na-coma

Image via Joseph's Journey
  • Matapos ma-comatose sa loob ng 10 buwan, namulat sa “bagong mundo” na dulot ng pandemya ang binatilyong si Joseph Flavill
  • Nagkamalay si Joseph na walang ideya kung bakit wala sa kanyang tabi ang pamilya at kinakausap lamang siya sa pamamagitan ng video chat
  • Sa pinakahuling balita mula sa kanyang pamilya, unti-unti pa rin sinasanay ni Joseph ang sarili sa mga pagbabagong naganap habang siya ay walang malay

Matapos mamulat sa isang “bagong mundo”, unti-unti pa ring sinasanay ng binatilyong si Joseph Flavill ang sarili sa mga pagbabagong dala ng pandemya nang nakaratay at comatose siya sa isang ospital sa United Kingdom.

Images via Joseph’s Journey

Sa pinakahuling balita na ibinahagi sa publiko ng fundraising page na Joseph’s Journey, bumubuti na ang lagay ng teenager na kasalukuyang nasa recovery stage na matapos mawalan ng malay sa loob ng 10 buwan bunsod ng kinasangkutan niyang aksidente sa Burton.

Patuloy din niyang sinasanay at iminumulat ang sarili sa bagong realidad na kinahaharap ng buong mundo dahil sa COVID-19, na isang bagong sakit pa lamang nang ma-comatose siya noong unang araw ng Marso 2020 o tatlong linggo bago magsimula ang malawakang lockdown sa Britain.

Sa panayam sa kanya ng The Guardian, ikinuwento ng tiyahin ni Joseph na si Sally Flavill Smith na sa pagmulat pa lamang ng mga mata ng pamangkin ay naramdaman na kaagad nito ang pagbabagong hatid ng kasalukuyang situwasyon.

Nagkamalay ito na walang ideya at puno ng pagtataka kung bakit wala sa kanyang tabi ang pamilya at kinakausap lamang siya sa pamamagitan ng video chat. Wala rin siyang kaalam-alam na dalawang beses na siyang nagkaroon ng nasabing karamdamam.

“A year ago if someone had told me what was going to happen over the last year, I don’t think I would have believed it. I’ve got no idea how Joseph’s going to come to understand what we’ve all been through,” pagpapatuloy ni Sally. “We’ve still got a long journey ahead.”

Samantala, sa kasalukuyan ay kabi-kabila ang pagmamahal at suportang natatanggap ni Joseph; hindi lamang ng kanyang mga kaanak, kung hindi pati na rin ang mga tao sa social media na naging bahagi na ng paglalakbay niya bago pa man nagising mula sa mahabang pagkakahimlay.

Tuloy-tuloy din ang pagkalap ng donasyon para sa long-term recovery ng binatilyo.

Image via Joseph’s Journey