
- Isa sa mga maituturing na exotic food sa Pampanga ay ang ginisa o adobong mole crickets o “kamaru”
- Mahirap mahanap ang mga kamaru, matatagpuan ito sa mga pinagtamnan ng sili o ampalaya
- Ayon naman sa health physician, mabuti ang naidudulot sa katawan ng pagkain ng kamaru dahil punong-puno ito ng nutrients
Bilang tinaguriang “Culinary Capital of the Philippines,” iba’t ibang putahe ang matatagpuan sa lalawigan ng Pampanga kabilang na ang mga exotic food. Bagama’t parang hindi kaaya-ayang kainin ang mga ito dahil sa hitsura o sangkap, masarap naman ang pagkakaluto ng mga ito kabilang na ang ginisa o adobong kamaru.

Sa ulat ng ABS-CBN, isa ang bayan ng Guagua sa mga nagluluto ng kamaru. Ayon kay chef Cherry Pasion Tan, isa sa basic steps ng pagluluto ng mole crickets ay ang “all-time favorite” na paggigisa.
“Mole crickets are very famous here in Pampanga. Hindi mo masasabing nagpunta ka ng Pampanga kung hindi ka kumain ng kamaru,” kuwento ni Chef Tan. Simple lamang ang ingredients ng ginisang kamaru, ang mga ito ay: sibuyas, bawang, kamatis, at saka ihahalo ang kamaru.
Kuwento pa ni Chef Tan, mahirap nang hanapin ngayon ang mga kamaru na matatagpuan sa mga pinagtamnan ng sili o ampalaya. Maaari din itong matagpuan sa matutubig o mapuputik na lugar tulad ng palayan. “Kasi, siguro sa kakagamit ng iba-ibang fertilizer or pesticide, nawala na ‘yung healthy environment,” ani Tan.

Bukod sa ginisang kamaru, iba’t ibang putahe pa ang maaaring iluto gamit ito. Sa katunayan, nagdiriwang ang Pampanga ng “Camaru Festival” kung saan ibinibida ng mga residente ang kani-kanilang lutong ulam ng kamaru.
Dahil mismong ang mga ani ang kinakain ng mga mole crickets, kapag ito ay niluto ay nagtataglay ito ng maraming nutrients, ayon na rin kay Dr. Reynaldo Alipio, rural health physician ng bayan ng Lubao sa Pampanga.
“Mataas sila sa protein at unsaturated fat. Hindi sila mataas sa cholesterol. And also, they have omega 3. ‘Pag omega 3, ibig sabihin nun, they are good for the heart. And also, mataas sila sa fiber, and meron silang tinatawag na anti-oxidants. Crickets can help to regrow the cells in the body,” ani Doc Alipio.