
- Nag-viral online ang mga paso na gawa ng isang architect mula sa Albay dahil sa nakaaaliw nitong hugis at hitsura
- Ang mga paso na ito na tinawag na “dog planter basket” ay hugis asong shih tzu na gawa sa matibay na abaca
- Bukod dito sa bansa, ang mga dog planter basket ay naibenta na rin sa ibang bansa tulad sa US at Canada
Mahigpit ang kompetisyon ngayon sa mga nagtitinda ng paso dahil sa lumalaking demand nito sa pag-usbong ng mga “plantitos and plantitas” dulot ng pandemya. Marami kasi sa mga plantitos at plantitas na ito ay naghahanap na ng bago, kakaiba, at malikhaing mga paso na kanilang pagtatamnan ng mga halaman.

Kaya naman maraming Pinoy ang napukaw ang atensyon sa mga paso na hugis aso dahil bukod sa mga cute at patok ito lalo na sa dog lovers, ito rin ay maaasahang matibay dahil gawa ito sa abaca.
Ang mga paso na hugis aso ay tinawag na “dog planter basket” ng nakaisip at nagdisenyo nito na si architect Gerald Volante mula sa Bicol; sa Albay. Kuwento ni architect Volante, naisip niya ang disenyo noong July 2020 sa kalagitnaan ng pandemya.
“Syempre mahirap ‘yung balita about lockdown kaya pinilit ko talagag makauwi ng Bicol. Eh nung umuwi ako wala naman talagang magawa sa bahay,” ani Volante na noon ay nasa Manila at sinikap na makauwi sa kanilang probinsya sa Bicol dulot ng pandemya.

“Nagdrawing ako nun, inspiration ko ‘yung shih tzu ng ate ko and naisipan ko lang ng gawing planter. Kasi nga apektado ba rin ng pandemya ‘yung handicrafts. Naisip ko siyang gawing planter kasi nga usong-uso ang plantito at plantita at madami ang naghahalaman kaya feeling ko, IN siya. Dog na nilagay ko kasi hindi kakagatin ‘yung plain lang [na planter],” kuwento pa ng architect.
Dagdag pa niya, matapos gawin ang dog planter basket at i-post ito online ay marami ang nagkagusto at umorder. Kaya naman tinuruan na rin umano niya ang kanyang mga kapatid at pamangkin sa paggawa ng planter dahil na rin sa dami ng bumibili.

Katuwang ang Rukit Dukit Handicrafts, gumagawa hindi lamang ang pamilya ni Volante kundi pati na rin ang mga residente ng Barangay Calbayog, Malilipot, Albay matapos muling umusbong ang kanilang kita sa paggawa ng abaca.
Ang mga dog planter basket na mayroong iba’t ibang kulay ay nagkakahalaga ng P350 hanggang P1,000 depende sa laki nito. Nakarating na rin ang produkto sa iba’t ibang bansa tulad sa US at Canada. Astig, ‘di ba?