
- Isang pari mula Pampanga ang gumagawa ng iba’t ibang TikTok videos upang magbigay ng mga mensahe at ipalaganap ang mga salita ng Diyos
- Sa ngayon ay mayroon nang mahigit 700k followers ang nasabing pari at may mahigit 14 million likes
- Bukod sa mga mensahe at pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, nagbibigay din ng dasal ang pari sa mga nangangailangang Pilipino
Ano-ano na nga bang video ang iyong mga napanood sa TikTok? Marami dyan ang sumasayaw at gumagawa ng dance covers, mga nakaaaliw na challenges, pag-arte ng mga tumatak na eksena sa pelikula, at marami pang iba.

Subalit bukod sa pagbibigay aliw sa maraming Pinoy, naging daan din ang TikTok upang magbigay inspirasyon sa marami at maramdaman ang pagmamahal ng Maykapal dahil na rin sa isang pari mula sa Pampanga na kasalukuyan ay gumagawa ng TikTok videos at binansagang “Father TikToker.”
Sa ngayon ay mayroon nang mahigit 762k followers at 14 million likes si Father Fiel Pareja, mula Parochial Vicar ng Immaculate Concepcion Parish sa Angeles City, Pampanga, na hindi lamang gumagawa ng mga patok na sayaw sa TikTok kundi pati na rin ang pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos.
Naitampok si Fr. Pareja sa ABS-CBN News at dito sinabi niya na tulad ng maraming Pinoy, naaliw siya sa paggawa ng TikTok videos noong magka-lockdown.
“Kasi nainip no, lockdown, pandemic, wala ring mga misa with congregation,’yun nasa loob ka lang ng simbahan, nasa kumbento, and then sabi ko, why not give it a try?” ani father.

Tulad ng paggawa ng devotion, araw-araw gumagawa ng TikTok videos si Fr. Pareja, at kabilang sa kanyang mga content ay pagbabahagi ng Bible verses na tinawag niyang #bibleversedailywithfatherfiel.
Bukod sa paggawa ng mga content sa TikTok, sumasagot din si Fr. Pareja sa mga katanungan o kahilingan ng followers.
“Napansin ko, mayroong mga nagko-comment na, ‘Father, pahingi po ng prayer about ganito,’ ‘Father, can you give us prayer lalo na COVID ngayon?’ then I thought of why not use TikTok na lang as a platform to evangelize, preach, to give motivation, lalong lalo na ngayong pandemic.”
Kaya naman mapapanood sa kanyang TikTok account ang iba’t ibang videos ng dasal para sa mga naghahanap ng trabaho, mga sawi sa pag-ibig, mga estudyanteng nag-o-online class, at mga Pinoy na may mabigat na problema o pinagdaraanan.
Umaasa umano si Fr. Pareja na sa pamamagitan ng teknolohiya at social media ay mas dadami ang mga mapapalapit sa Maykapal.
