
- Maraming Pinoy netizens ang naka-relate sa post tungkol sa de latang binubuksan sa pamamagitan ng ‘susi’
- Ayon sa mga netizens, hanggang ngayon ay may nabibili pang mga de latang may susi na karaniwan ay matatagpuan sa ibang bansa
- Komento pa ng ilan, masarap sa pakiramdam ang pagbubukas ng mga de lata na may ‘susi’ kumpara ngayon na madali na lamang buksan ang mga canned goods
Kung madalas nakatatanggap ang iyong pamilya ng package mula sa inyong mga kamag-anak na nasa abroad, tiyak na malaki ang tiyansang nakakita ka na ng mga de latang binubuksan sa pamamagitan ng ‘susi’.

Ang mga de latang ito na may susi ay karaniwang corned beef, SPAM, luncheon meat, at mayroon ding mga sardinas, at iba pa. Bago pa nauso ang easy-open canned goods o mga de lata na hihilain mo lamang ang nasa tuktok ng tin can na parang nagbubukas ng canned softdrinks, una nang ginamit ang mga de susing de lata.
Sa Facebook page na Memories of Old Manila and Beyond na mayroong mahigit 835,000 members, nagbabahagi rito ang mga netizen ng kanilang mga nakasanayang bagay noong kanilang kabataan na ngayon ay bihira na lamang makita.
Kamakailan ay ibinahagi nga ng netizen na si Romeo del Carmen ang larawan ng isang de lata na binubuksan sa pamamagitan ng susi. Upang mabuksan ang de lata, kukunin ang susi na karaniwan ay nakadikit sa gilid, tuktok, o ilalim ng de lata. Isasabit ang susi sa maliit na sabitan sa gilid ng lata at saka ito paiikutin upang mahati ang lalagyan.

Maraming netizens ang nakarelate at sinabing naabutan nila ang ganitong klaseng mga de lata. Ani ng isang netizen, may matatagpuan pa umano hanggang ngayon na de latang may susi: “Hanggang ngayon meron pang ganyan, madalas sa imported na corned beef.”
Mayroon namang nagsabi na naabutan lamang niya ang mga de susing de lata noong bata pa siya: “Yes, during our younger/growing years agawan kami pag-ikot hehe. Enjoy kami during tatay and nanay’s days. Matibay matigas ang lata.”
Sinabi naman ng isang netizen na mas masarap sa pakiramdam na buksan ang mga de susing de lata kumpara ngayon: “Nice feeling twisting the opener around the can. Today all you do is pull a small thing that protrudes from the can and voila, it’s open!”