Mayor Vico Sotto nagbabala tungkol sa mga nag-aalok ng pekeng COVID-19 vaccine

Imahe mula Instagram
  • Inaasahan na ngayong buwan na darating sa Pilipinas ang unang batch ng mga COVID-19 vaccines tulad ng Pfizer at Sinovac Biotech
  • Wala pang tiyak na petsa kung kailan darating ang vaccines subalit nauuso na ang bentahan ng mga bakuna online
  • Nagbabala si Pasig City Mayor Vico Sotto laban sa mga ibinebentang pekeng COVID-19 vaccine online

Bagama’t nagsimula na noong nakaraang linggo ang COVID-19 vaccine simulation sakaling dumating na sa Pilipinas ang mga unang batch ng COVID-19 vaccines, hindi pa naman matiyak ng Palasyo ang eksaktong date o araw ng pagdating ng mga bakuna.

Imahe mula Freepik

Ayon kay Palace spokesman Harry Roque, naantala ang pagdating ng nasa 117,000 COVID-19 vaccine ng Pfizer mula sa COVAX facility dahil sa paghihintay ng pirma para sa supply agreement. Una nang sinabi ng COVAX na darating sa Pilipinas ang Pfizer vaccine sa kalagitnaan ng Pebrero.

Samantalang hindi rin tiyak ang pagdating ng nasa 600,000 Sinovac Biotech vaccine mula China. “May posibilidad din po na before the 23rd baka dumating iyong Pfizer. We cannot tell with precision kung kailan talaga darating ang COVAX Facility,” ani Roque.

Isa lamang umano ang sigurado —  ito ay uumpisahan na ang pagbabakuna ngayong buwan ng Pebrero. At kahit wala pa mang COVID-19 vaccine na dumarating sa bansa na dumaan national government, mayroon nang mga COVID-19 vaccine na ibinebenta online.

Imahe mula Facebook

Kamakailan nga ay nagbabala si Mayor Vico Sotto laban sa mga kumakalat na nagbebenta umano ng COVID-19 vaccine na Pfizer. “Beware! ‘Wag bumili sa mga ganito! Picture pa lang kita nang mali ang handling. Maglolokohan lang kayo niyan,” pagbabahagi ni Mayor Vico sa kanyang IG story kalalip ang diumano’y larawan ng Pfizer vaccine.

Nagpaalala pa si Mayor Vico na tanging mga bakuna lang na dumaan sa FDA ang maaari at ligtas na bilhin. Sinabi rin niya na mauuna ang mga frontliners na mababakunahan bago ito ialok sa publiko.

Pagbabahagi naman ng isang netizen, “Always remember, COVID vaccines are not FDA approved. They’re all being distributed under Emergency Use Authorization. Tanging mga vaccines na dumaan sa national government lang ang legit. Kapag may private entity na nag-offer sa ‘yo ng bakuna kontra COVID, ‘wag tanggapin.”