Manila LGU magbibigay ng libreng swab test para sa mga empleyado ng sinehan

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno Facebook page
  • Kamakailan ay pinayagan na ng IATF ang pagbubukas ng mga sinehan at iba pang pasyalan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine
  • Inanunsyo naman ni Manila City Mayor Isko Moreno na magbibigay sila ng libreng swab test para sa mga empleyado ng malls na magbubukas ang sinehan
  • Kasabay nito ay hiningi ni Mayor Isko ang plano ng mall managers bilang pagsunod sa health and safety protocols

Upang sa ganun ay makapagbukas na ang ibang mga negosyo sa bansa at unti-unting gumanda ang ating ekonomiya ay pinayagan na ng  Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease o IATF ang pagbubukas ng iba pang establisimyento tuald ng sinehan sa malls sa mga lugar na nasa ilalim ng general  community quarantine.

Imahe mula Freepik

Kabilang ang malls sa lungsod ng Maynila sa mga naghahanda na para sa pagbubukas ng kanilang sinehan. Upang maprotektahan naman ang mga empleyado at maiwasan na rin ang hawaan ng COVID-19 ay sinabi ni Manila City Mayor Isko Moreno na magbibigay sila ng libreng swab test sa mga empleyado ng malls.

Magiging requirement na para sa mga empleyado na magtatrabaho sa sinehan tulad ng janitors, security guards, tellers, ushers, porters, ticket tellers at snack bar attendants sa lungsod na sumailalim sa swab test.

Sa pulong na ginanap sa city hall kamakailan sa pagitan nina Mayor Isko kasama ang mall managers, hiningi at pinalatag ng alkalde ang plano ng mall managers upang maisakatuparan ang pagpapatupad ng  health protocols laban sa COVID-19 lalo na at tataas umano ang foot traffic sa mga sinehan.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno Facebook page

Sa ngayon ay nakatutok ang mall managers sa umiiral na physical distancing at ang  “no face mask, no face shield, no entry policy” sa mga mall ng lungsod. At bagama’t magbubukas na ang mga sinehan, mahigpit naman na ipatutupad ang two-seat apart sa mga SM Malls at one-seat apart naman ang Robinsons Mall. Inanunsyo naman ng Lucky Chinatown Mall na apat lang na sinehan ang kanilang bubuksan.

Bukod sa mga sinehan, papayagan na rin na buksan ang driving schools, video at interactive game arcades, libraries, archives, museums at cultural centers.