
- Inanunsyo ng IATF na maaari na ang pagbubukas ng iba pang establisimyento tulad ng mga sinehan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine
- Hindi naman susundin ang anunsyong ito ng mga lungsod ng Pasig at Marikina na nagsabing mananatiling nakasara ang mga sinehan sa kanilang lugar
- Ang mga mayor ng nasabing lungsod ang nagpasya na huwag buksan ang kanilang sinehan dahil may banta pa rin ng COVID-19
Ngayong buwan, inanunsyo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na hahayaan na nila ang pagbubukas ng iba pang establisimyento at negosyo tulad ng mga sinehan, driving schools, libraries, museums, at iba pa sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine tulad ng Metro Manila.

Bukod pa rito, inaprubahan na rin ng IATF ang proposal na isailalim na ang buong Pilipinas sa mas maluwag na modified general community quarantine of MGCQ sa darating na Marso. Hinihintay na lang na aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama’t maaari na ang pagbubukas ng ibang establisimyento sa mga GCQ areas, sinabi ng mga mayor sa lungsod ng Pasig at Marikina na mananatiling sarado ang kanilang mga sinehan.
Ayon sa panayam kay Pasig City Mayor Vico Sotto, aniya, “definitely for now at least, we will keep the cinemas closed here in our city. We consult the experts in everything that we do. For me, a lot of talks have gone on about GCQ, MGCQ, but for me, it doesn’t matter what you call it. What matters is what are the actual policies and ways.”

Dagdag pa ni Mayor Sotto, suportado niya ang pagbubukas ng ibang negosyo para na rin sa ikauunlad ng ating ekonomiya, subalit kailangan umanong ibalanse ang mga industriyang nabuksan na upang hindi ito maapektuhan ng COVID-19.
Ito rin ang saloobin ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na nakipagpulong umano sa mga cinema owners pagkatapos ianunsyo ng IATF ang pagbubukas ng mga sinehan.

“Sabi nila [cinema owners] baka mas maraming problema kung magkaroon ng COVID case at nalamang doon nagsimula sa sinehan nila. Maaapektuhan ang buong operation ng malls because the cinema is located in a mall,” ani Mayor Teodor.
Dagdag pa niya, “for public confidence, kaunti lang pumupunta sa mall. Baka ang discussion na ito ay moot. Who will watch a movie under the threat of Covid-19? Bakit ‘di ka na lang mag-Netflix?”