‘Isusuot ‘to ng mga Kardashian!’ Vice Ganda pinaplanong gawing international ang sariling fashion label

Imahe mula Instagram
  • Ibinahagi ni Vice Ganda ang kanyang planong pagsisimula ng sariling fashion label na kanyang ilulunsad sa international scene
  • Kabilang sa mga “target audience” ni Vice na magsusuot ng kanyang label ay ang Kardashians
  • Ani Vice, hindi pa huli para sa kanya ang magkaroon ng ibang karera bukod sa pagiging komedyante

Alam ng nakararaming Pinoy na nagdaan sa kasikatan ng komedyanteng si Vice Ganda ang noontime show na It’s Showtime ng ABS-CBN. Ang sanang hurado lang na si Vice ay kinaaliwan at minahal ng maraming Pinoy kaya naman napabilang na sa mga host ng nasabing noontime show.

Imahe mula kay Vice Ganda via Instagram

Subalit bukod sa kanyang impromptu at unscripted na pagpapatawa, nakilala rin si Vice dahil sa kanyang kakaibang “sense of fashion.” Mula sa pagsusuot ng maikling shorts, high heels, hanggang sa mga mamahaling sapatos at dress—lahat na yata ng panlalaki at maski pambabae na kasuotan ay nasubukan na niya.

Kaya naman hindi na nakapagtataka ang ibinalita ni Vice kamakailan na kanyang pagsisimula ng sariling fashion label na hindi lamang ilulunsad rito sa bansa kundi maski sa international scene!

Sa naganap na virtual press conference kamakailan para sa programang “It’s Showtime,” dito sinabi ni Vice ang kanyang plano na pag-uumpisa ng sariling fashion label. “Ipi-penetrate ko ang international scene, pero hindi sa performing. Bigla ko gustong maging designer,” ani ng komedyante.

Imahe mula kay Vice Ganda via Instagram

Aniya, ngayong Enero lamang niya ito napagdesisyunan kaya naman agaran ang kanyang mga ginagawang hakbang.  “Kinabukasan, nakipag-meeting agad ako, gumawa ako ng team. Gusto kong mag-start ng sarili kong label.”

Dahil karamihan ngayon ng mga tao ay nasa social media, ani Vice, ito ang kanyang gagamiting daan upang makilala ang ilulunsad na label.

“Since online na naman ang labanan, equal footing for everyone online. Parang kaya ko naman lumaban sa online world, kasi ang laki naman ng following ko. Parang kaya ko ‘yon.”

At isa nga umano sa kanyang target audience sa international scene ay ang Kardashians, kilalang magkakapatid na Hollywood celebrities at influencers. “Kini-claim ko lagi: Sisikat itong brand na ‘to internationally! Isusuot ‘to ng mga Kardashians! Kini-claim ko nang kini-claim,” ani Vice.

Kuwento pa ng komedyante, sa kanyang edad na 44, hindi pa huli ang lahat upang magkaroon siya ng ibang karera at ibang pangarap.

“It’s not bad to still have very big dreams, amazing dreams at this very moment, kahit ano’ng edad mo pa. Hindi ako nauubusan ng ganoon kalalaki at eksaheradang mga pangarap.”