
- Nagprotesta ang ilang government workers dahil hanggang ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang mga allowance na dapat ay noong nakaraang taon pa ibinigay sa kanila
- Ayon naman sa Department of Health, naibigay na nila sa lahat ng ospital sa buong bansa ang pondo na ibibigay bilang allowance sa govt. health workers
- Magkakaroon ng pagpupulong ang DOH at mga nagprotestang health workers
Hanggang ngayon ay hindi pa umano natatanggap ng ilang government health workers mula sa tatlong ospital ang kanilang allowance na simula noong nakaraang taon ay naantala nang ibigay sa kanila.

Kahit wala pang pahinga at tulog, nagprotesta ang health workers upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing. Ayon sa kanila, hindi pa naibibigay ang accommodation, transportation, at food allowance simula noong nakaraang taon. Payag na lang umano sila na i-convert ito sa gift check, vouchers, o grocery items, imbes na cash, basta’t maibibigay agad sa kanila.
Sa inilabas na administrative order ng Department of Health, inaatasan ang mga health facility, pribado man o pampubliko, na bigyan ang kanilang mga health workers ng allowance sa accommodation, transportation, at pagkain. Saklaw ang nasabing order ng Bayanihan 2 law kung saan ang budget ay naibigay na mula September hanggang December 2020.
Sa mga health workers na nasa NCR, Calabarzon at Mimaropa, nasa P2,200 ang rate o budget kada isa sa kanila, habang P1,500 hanggang P1,800 naman sa ibang rehiyon.

Kaya naman nagtataka ang DOH kung bakit hindi pa natatanggap ng mga nagprotestang health workers ang kanilang allowance. “We do not know kung bakit. Nandiyan po ang guidelines natin for the provisions. Transportation were given as early as November 25. Iyong staff allotment for the hospitals were downloaded as early as December 7, 2020,” pahayag ni Asec. Romeo Ong ng DOH Office of the Chief of Staff.
Ayon naman kay DOH Undersecretary Leopoldo Vega, hindi commutable o puwedeng gawing cash o vouchers ang budget na dapat ay nakalaan sa health workers. “The benefits are non-commutable to cash or vouchers as stated in the guidelines… The hospitals will do the payout on the budget given and provide a liquidation report to central DOH office.”
Ayon pa sa DOH, dito lamang sa Metro Manila sila nakarinig ng problema gayong wala namang ganitong isyu sa regional hospitals. Nasa P2.1 bilyon ang halaga ng pondo at benepisyong naipamahagi ng DOH sa mga ospital sa buong kapuluan.
Nakatakdang magkaroon ng pagpupulong sa opisina ni Usec. Vega ang mga health workers na nagsagawa ng protesta.