‘Ha? Happy Valentine’s!’ Hotdog at bibingka giveaway ngayong Araw ng mga Puso sa Oriental Mindoro

  • Naisipan ng lokal na pamahalaan ng Naujan, Oriental Mindoro Municipal Office na mamigay ng mga regalo sa kanilang empleyado ngayong Valentine’s Day
  • Ang mga ibinahaging giveaway na ito ay mga hotdog at bibingka
  • Bukod sa pagbibigay saya sa buwan ng mga puso, isang paraan din ang pamimigay ng bibingka upang i-promote ang produktong kakanin sa kanilang lugar

Hindi lamang para sa mga may karelasyon ang Valentine’s Day, dahil ito ay ipinagdiriwang din ng mga taong may minamahal — ito man ay kanilang mga kapamilya, kaibigan, katrabaho, o kahit ka-chat lang.

Imahe mula Facebook

Nakasanayan na ng marami na mayroong ibinibigay na regalo tuwing Valentine’s. Ito ay mga bulaklak, tsokolate, o ginawang personal na liham na naghahayag ng pagmamahal ng isang tao.

Kakaiba naman ang naisip na irelagalo ng Naujan, Oriental Mindoro Municipal Office sa kanilang mga empleyado upang ipagdiwang ang buwan ng mga puso, imbes na mga bulaklak, tsokolate, o heart-shaped balloons, hotdog at bibingka ang ipinamigay ng nasabing lokal na pamahalaan.

Imahe mula kay Mayor Mark N. Marcos via Facebook

Sa Bayan Mo, Ipatrol Mo Facebook page, naitampok ang pamimigay ng hotdog at bibingka sa mga empleyado ng munisipyo ng Naujan, Oriental Mindoro bilang kanilang giveaway sa Valentine’s. Naisipan umano ito ng kanilang mayor na si Mayro Mark N. Marcos, ayon kay Mark Maacatangay, mula sa Tourism office ng Naujan.

Namigay ang lokal na pamahalaan ng 350 na piraso ng hotdog at bibingka upang kahit papaano umano ay magbigay saya sa kanilang mga empleyado sa espesyal na araw ng pagmamahalan. Isang paraan din umano ito upang mapasaya ang mga empleyado lalo na at marami silang pinagdaanang hamon sa gitna ng pandemya.

Imahe mula kay Mayor Mark N. Marcos via Facebook

Kuwento naman ni Vice Mayor Sheryl Morales, isang paraan din umano ang pamimigay ng bibingka upang i-promote ang kanilang lokal na produktong kakanin, ang mga nagtitinda kasi sa kanila ng kakanin ay bente kwatro oras na nakabukas sa kahabaan ng Pinagsabangan 2, sa bayan ng Naujan.

Tiniyak din ni Mayor Mark Marcos na ang mga ipinamigay na hotdog ay chicken flavor, nananatiling ligtas din umano ang kanilang bayan sa African Swine Fever dahil walang nakakapasok na karne ng baboy dito mula sa ibang lugar.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: