
- Hinangaan ng marami ang do-it-yourself cake tower ng wais na mommy na si Angela Villanueva-Bernaldez
- Sa isang Facebook group, nagdala si Angela ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang cake tower na gawa sa mga piraso ng karton, kendi, at tsokolate
- Pinatunayan ng ilaw ng tahanan na hindi palaging kailangan ng malaking halaga para pasayahin ang isang bata
Bagama’t naging normal na para sa ilan ang maglaan ng malaking halaga para makapaghanda ng mataas at magandang cake sa birthday party ng anak, pinili ng isang wais na nanay ang isang mas matipid na alternatibo para pasayahin ang kanyang anak sa kaarawan nito.

Gamit ang pagkamalikhain, nakabuo ang inang si Angela Villanueva-Bernaldez ng isang cake tower na kasing taas ng kanyang anak; at gawa lamang sa mga piraso ng karton, kendi, at tsokolate. Sa Facebook group na Tipid Tips, ibinahagi ni Angela ang isang life hack na mainam matutunan ng mga ilaw ng tahanan na hindi kalakihan ang budget ngunit gusto pa rin sorpresahin ang anak sa araw ng kapanganakana nito, kaya naman hindi nakapagtataka na nakapagbigay ito ng aliw at inspirasyon sa maraming miyembro.
“Hello, everyone! I just want to share again a DIY [do-it-yourself] creation here,” saad niya sa caption ng post. “For mommies looking for budget-friendly DIY ideas for their kids’ upcoming birthday. Here’s a DIY candy cake tower using karton (or cardboard box).”
Sa comments section ng post, ginabayan ni Angela ang mga nais sumubok na gumawa nito. Isa sa mga tip na ibinigay niya ang paggamit ng milk boxes sa cake tower. Aniya,”I used box po ng milk sa bawat layer para same po iyong taas nila, tupi-tupiin n’yo lang po para madali na mai-roll, iyong taas o yung lapad depende po sa inyo iyon.” Binanggit din niya ang mga epektibong gamitin para sa DIY tower; katulad ng styro, tape, at iba pa.
Samantala, pinasasalamatan ng mga tao si Angela sa pagbabahagi nito ng sikreto ng kanyang cake.
