Foam bricks pa more! Mga pusa nag-ala Spiderman sa dingding na kinabitan nito

Imahe via AJ Samson | Facebook
  • Mabenta ang mga adhesive foam bricks dahil kaya nitong bigyan ng bagong anyo ang inyong dingding sa murang halaga
  • Subalit mukhang hindi ito ligtas sa pusa dahil ibinahagi ng isang netizen na inaakyatan lang ito ng kanyang mga alaga
  • Tingnan ang mga nakaaaliw na larawan ng mga nag-ala Spiderman niyang alaga pati na rin ng mga may kahalintulad na karanasan

Usong-uso ngayon ang mga adhesve foam bricks na ginagawang palamuti sa dingding. Sa murang halaga, gaganda na sa isang iglap ang iyong bahay lalo na kapag wala pa itong pintura.

Imahe via AJ Samson | Facebook

Subalit may mga alaga ka ba gaya ng pusa?

Mukhang kailangan mong bantayan at baka pagtalikod mo, hayun na sila at umakyat na sa dingding mo.

Ganoong-ganoon kasi ang ginawa ng mga alagang pusa ni AJ Samson. Ibinahagi niya ang mga nakaaaliw na larawan ng kanyang mga pusa na naging Spiderman dahil sa foam bricks.

“WARNING sa mga gusto magpalit ng adhesive foam bricks. Nagiging spider cats po yong mga mingming hahahahaahaha,” salaysay niya sa Facebook.

Dalawang pusa niya ang walang kahirap-hirap na umakyat sa dingding at nanatili pa roon nang ilang segundo. Ang resulta? Nagkaroon ng maliliit na butas ang mga foam bricks gawa ng pagkapit ng mga kuko ng pusa rito.

Imahe via AJ Samson | Facebook

Ngunit hindi pala nag-iisa si AJ dahil dumagsa rin sa komento ang mga kahalintulad niya. Bukod sa nagiging wall climbing challenge ng mga alaga, ang iba ay ginawang scratch pad pa. May mga bumigay na rin sa sobrang katagalan. Samantala, ang iba ay hindi man lang umabot ng isang linggo!

Ang pag-akyat sa mga matataas na lugar ay isang katangian ng mga pusa. Gusto nila ang pakiramdam ng nasa itaas. Sa kagubatan, umaakyat sila sa puno para maging ligtas at maghanap ng makakain sa ibaba.

Kaya lang, may kaakibat din na peligro ang pag-akyat nila sa mga matataas na istruktura sa bahay. Importanteng mayroon silang “vertical spaces” gaya ng cat tree house kung saan sila puwedeng maglaro at magrelax nang ligtas.

Isang konsiderasyon talaga ang mga alaga sa pagbili ng mga palamuti sa bahay. Ngayon, maglalagay ka pa ba ng foam bricks?

Panoorin ang video ng pusa ni AJ dito.