Tangkilikin! Eco bag na gawa sa rice straw, inilunsad ng organic farmers mula South Cotabato

Imahe mula sa Masipag Mindanao Facebook page
  • Ipinagmamalaki ng isang non-government organization ang gawa ng kanilang mga organic farmers na eco bag
  • Imbes kasi na gawa sa plastic o papel ang eco bag, gawa ito sa rice straws o ang bahagi ng itinamin na palay na tinatanggal kapag inaani na
  • Malaking tulong ang pagbebenta ng eco bags para sa mga magsasaka na naaapektuhan pa rin ngayon ng mababang presyo ng bigas

Isang mahalagang parte ng pagkakakilanlan sa Pilipinas at mga Pinoy ay ang bigas. Ito kasi ang niluluto upang maging kanin na nagsisilbing pangunahing kinakain ng mga Pinoy sa pang-araw-araw. Ang pagtatanim at pag-aani rin ng palay ang isa sa mga pangunahing ikinabubuhay ng mga magsasaka dito sa bansa.

Imahe mula sa Masipag Mindanao Facebook page

Maraming grupo ang itinatag sa bansa na tumutulong sa mga magsasakang Pinoy sa kanilang ikinabubuhay. Isa na rito ang “MASIPAG”; isang farmer-led network na kinabibilangan ng non-government organizations at scientists na nagtutulong-tulong para sa pagpapanatili at pamamahala sa likas na yaman ng bansa.

Kamakailan, ipinagmalaki ng Facebook page na MASIPAG Mindanao ang gawang eco bag ng kanilang mga organic farmers mula Santo Niño sa South Cotabato. Imbes kasi na gawa sa plastic o papel ang eco bag, gawa ito sa “rice straw” o ang bahagi ng itinanim na palay.

“Made from rice straws, which is the vegetative part of the rice plant (Oryza sativa L.), cut at grain harvest or after. It may be left on the field before the next plowing, plowed down as a soil improver, or used as a feed for livestock,” ayon sa grupo.

Imahe mula sa Masipag Mindanao Facebook page

Ang innovators sa likod ng “rice straw eco bag” ay ang kababaihang magsasaka ng Farmer Group – Peoples Action for Liberative Agricultural Industry (PALAI).

Ayon pa sa grupo, ito ang unang pagkakataon na nakagawa sila ng eco bag gamit ang rice straw; nagpapatunay ng pagiging malikhain din ng mga magsasaka.

Ayon kay PALAI Chairperson Jethel Kapunan, ang mga inisyatibong tulad nito ng mga magsasaka ay malaking tulong na rin sa kanila lalo na sa panahon ngayon na mababa ang presyo ng mga binibiling bigas.

“The bags are sold at 35 Php per piece and are available in other sizes. You can directly send your queries to our farmers via Mr. Joffrey Jofax Frinal (Masipag BOT Member) or Mrs. Herminia Beramo Fabay Kapunan.”

Tangkilikin ang sariling atin!