Eco aide may panawagan sa mga nagpapakolekta ng basura na huwag ihalo ang mga bagay na basag

  • Nasugatan ng basag na bombilya ang isang eco aide nang mangolekta ng basura
  • Nanawagan siyang maging responsable sa pagtatapon ng mga ganitong klase ng basura
  • Basahin kung ano ang tamang pag-dispose nito at pati na rin kung saan ito puwedeng ibigay bilang recyclable

Ang pagtatapon ng basura sa tamang lagayan ay karapat-dapat upang hindi ito magkalat at makaperwisyo sa iba.

Imahe via Ricardo Abion | Facebook

Ngunit sinisiguro ba nating maayos at tama ang pagkakabalot ng mga nakasusugat at delikadong basura gaya ng salamin?

Isang eco aide — si Ricardo Abion ang nanawagan sa social media matapos siyang masugatan dahil sa pagkahawak ng basag na bombilya.

“Sa mga residente po na nagpapakolekta ng, ayusin naman po ninyo ang basura n’yo. Wag po ihalo ang basag na bombilya o mga bagay na basag. Ibukod ninyo para hindi na maulit ang nangyari sa akin at sa mga kasamahan ko na mga eco aide. Salamat po.”

Ibinahagi ni Ricardo ang mga larawan ng nasugatan niyang kamay dahil sa pagkakahawak sa basag na bombilya na naihalo lamang sa mga plastik. Nakapanlalambot makita ang pinsala sa kanyang kamay.

Ano nga ba ang tamang pagtapon ng mga basag na salamin?

Para sa mga basag na bombilya at vase, ilagay ito sa karton. Makatutulong din kung ibalot muna ito sa ilang piraso ng newspaper o papel.

Para sa mga basag na salamin, lagyan ng tape ang parte ng salamin na nabasag dahil ito ay matulis at delikadong mahawakan ng mga nangongolekta bago ito ibalot sa newspaper.

Kapag malaking salamin naman ang basag, ibalot ang buong salamin ng tape para maiwasang magkahiwa-hiwalay ito.

Makatutulong ding sulatan ng “broken glass” o “basag na salamin” ang mga pinaglagyan ng mga nito.

Image via Green Dream Foundation | Facebook

Subalit dahil ang salamin ay puwedeng i-recycle. May mga organisasyon na tumatanggap nito gaya ng Tzu Chi Foundatin. Kinakailangan lang ay nakalagay ito sa glass bottles upang masiguro na ligtas ang pagkolekta nito. Dalhin lamang ang inyong mga recyclables sa kanilang tanggapan sa 76 Cordillera corner Agno St, Dona Josefa, Quezon City.

Pero unang una sa lahat dapat ay sinisiguro rin na kumpleto ng proteksyon ang siino mang nangongolekta ng basura. Magsuot ng gloves para sa kamay at bota sa paa dahil hindi lamang basag na salamin ang kanilang maaaring mahawakan o matapakan. Nariyan pa ang mga pako at lata.

Magtulungan tayong lahat upang ang nangyari kay Ricardo ay hindi na mauulit sa iba. Maging responsable sa pagtatapon ng basura at para sa mga collection aides, gumamit ng proteksyon.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: