Bakeshop sa Maguindanao, nasa 2,000 tinapay ang libreng ipinamimigay araw-araw sa mga kapus-palad

Imahe mula Facebook
  • Isang bakeshop sa Maguindanao ang araw-araw na namimigay ng libreng tinapay para sa kapus-palad na walang makain
  • Nasa 2,000 piraso ng tinapay ang libreng ipinamimigay; naisip ng may-ari ng bakeshop na malaking tulong ito sa mga kababayan lalo na sa panahon ngayon
  • Balak ng bakeshop na gawing 10,000 piraso ng tinapay ang libreng ibigay araw-araw

Isa ang tinapay sa mga nagsisilbing pantawid-gutom ng maraming Pinoy lalo na at nakabubusog ito, hindi na kailangang lutuin, at mura pa ang presyo kung ikukumpara sa ibang bilihin.

Imahe mula Facebook

Dito sa Pilipinas, lahat na yata ng kalye ay mayroong matatagpuan na panaderya o bakeshop kung saan makabibili ng iba’t ibang uri ng tinapay na swak sa bulsa ng maraming Pinoy. Ang ilan pa nga sa mga panaderya ay pinipilahan lalo na kung bagong luto ang kanilang masasarap na tinapay.

Bilang isa sa mga pagkain na mabigat sa tyan ngunit magaan sa bulsa, naisipan ng isang panaderya sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao na ibigay na lamang ito nang libre sa mga kapus-palad na Pinoy na nagugutom at naghahanap ng pagkain.

Ang panaderya na ito ay ang Charity Bakeshop sa Barangay Dalumangcob na pag-aari ni Khalid Sanchez. Halos bago lamang ang nasabing bakeshop na binuksan noong nakaraang Nobyembre.

Imahe mula Facebook

“Itong tinapay po ay isang pagkain na may isang milagro… Hindi naman po ako na-bankrupt. In fact, para pa ngang natulungan ang negosyo ko,” ani Khalid na bukod sa bakeshop ay nagmamay-ari din ng ibang negosyo.

Araw-araw, nasa 2,000 pirasong tinapay ang libreng ipinamimigay sa Charity Bakeshop. Madalas umano sa mga nabibiyayaan ng tinapay ay mga bata sa lansangan at ilang pamilyang walang makain.

Ang kailangan lamang ay doon mismo sa bakeshop kakainin ang libreng tinapay, kung ito ay ilalabas ay kinakailangan itong bayaran. Ayon kay Khalid, napansin umano niyang mas malaking biyaya ang bumabalik sa kanya simula noong magbigay ng libreng pagkain sa mga nangangailangang kapwa lalo na sa panahon ngayon.

Imahe mula Facebook

“Wala pang ganito sa Pilipinas. Sabi ko, ‘why not umpishan ko?’ kasi ang mga tao may problema rin sa pagkain,”  dagdag pa ni Khalid na nag-hajj o Islamic pilgrimage sa Mecca noong 2011.

Sa ngayon, bukas ang bakeshop mula alas-singko ng madaling araw hanggang 9 ng gabi. Binabalak din umano nilang gawing 10,000 piraso ng tinapay ang araw-araw na ipamigay.