
- Ibinunyag ng customer ng Food Panda ang galawan ng isang rider na nagresulta sa cancelled order kahit na natanggap niya ito
- Isa itong modus upang kumita si rider na sinang-ayunan naman ng mga netizens na nakaranas din nito
- Alamin kung ano ang ipinagawa sa kanya para maiwasang maloko rin ng ganitong modus ngayon
May bagong modus ngayon ang ilang food delivery riders. Basahin upang huwag matulad sa customer na ito.

Lakas loob na ibinahagi ni Ely Mae Oribiana Eustaquio sa social media ang pag-uusap nila ng rider at ang pinagawa sa kanya hanggang sa may napansin siyang kaduda-duda.
Tinext siya ng ng rider pagkarating nito sa lugar kung saan ibibigay ang kanyang order. Maayos naman siyang nag-reply at nagpaalala pa sa rider na “mag-ingat”. Ngunit, may gustong ipagawa sa kanya dahil nagloloko raw ang apps nila at ang hirap mag-drop ng order. Humingi sa kanya ng pabor ang rider na i-airplane mode ang kanyang cellphone ng mga 10-15 minuto para raw ma-drop nito ang order sa app at mapasukan ng bagong order. Sumunod naman si Ely.
Kaya lang nang ibinalik niya ang signal, lumabas na cancelled ang kanyang order. Nang ipinaalam niya ito sa rider, itinanggi ng rider na may kinancel siya. Ang ayaw kasi ni Ely ay ma-ban siya ng Food Panda dahil sa “pag-cancel” ng order. Magiging abala kasi ito sa kanya.
Php 1,637 ang kabuuang order ni Ely sa McDonald’s na binayaran niya ng cash ngunit canceled ang order matapos niyang mag-airplane mode kahit na natanggap naman niya ito.

Paano nga ba kumikita si rider sa modus na ito?
Ayon sa mga netizens na nakaranas din nito, sa cash on delivery payment daw ito nangyayari dahil si rider ang tumatanggap ng bayad. Pinapa-airplane mode ang customer para hindi siya matawagan ng dispatcher tungkol sa canceled order. Pag ‘di matawagan ang customer, kumpirmadong kanselado ang order. Mabubulsa na ngayon ng rider ang bayad.
Marami pang modus ang ibinulgar ng mga netizens. Nakaka-alarma talaga dahil nadadamay ang mga customers sa scheme nila. May mga rider na no show at kinukuha ang pagkain at sasabihan ka na huwag sagutin kung may tatawag mula sa Food Panda matapos na ma-cancel ang iyong order.
Ngunit may paglilinaw si Ely sa kanyang post dahil marami ang kumontra rito dahil nagpapasikat lang daw siya at nasisira raw ang imahe ng ibang matitinong riders.
“Una at huli po, hindi kaming nagrereklamo ang sumisira sa inyo, kapwa riders n’yo po. Ayoko lang maulit yong nangyari sa’min sa iba pang customers. This post is just a warning po, hindi para sa clout!”
Kung totoo mang kumikita ang mga delivery riders sa modus na ito, sana ay wala nang magpapaloko para wala nang manloko. Isa pa, dehado rin si Food Panda sa ganitong modus. Sana’y maaksyunan ito sa lalong madaling panahon.