Unang pasilip sa Manila Metropolitan Theater na bubuksan ngayong taon, ibinahagi ng NCCA

Imahe mula sa NCCA via Facebook
  • Ibinahagi ng National Commission for Culture and the Arts sa kanilang Facebook page ang mga larawan ng newly-rehabilitated na Manila Metropolitan Theater
  • Ngayong taon inaasahan na bubuksan ang nasabing teatro kasabay ang ika-500 na anibersaryo ng pagkapanalo ng grupo ni Lapu Lapu sa Mactan
  • Makikipagtulungan din ang NCCA kay Manila City Mayor Isko Moreno para sa darating na ika-450 na anibersaryo ng lungsod sa darating na Hunyo

Sa gitna ng abalang lungsod ng Maynila ay nakatayo ang isa sa pinakamatanda at dating masiglang teatro sa bansa, ang Metropolitan Theater o kilala rin sa tawag na “Met.” Ito ay itinuturing na isa sa mga national cultural treasure ng bansa dahil sa taglay nitong kasaysayan. Subalit sa paglipas ng panahon, tuluyan nang napabayaan ang Met.

Imahe mula sa NCCA via Facebook

Dalawang beses nang sinubukang ayusin ang Met simula nang masira ito noong ikalawang digmaang pandaigdig. Taong 1996 nang tuluyan nang ibinaba ang telon ng teatro at isara ito dahil sa problema sa  pagmamay-ari at pagpapanatili nito.

Noong 2010 ay saglit na binuksan ang Met sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na mismong nagpaayos nito at ang nagmamay-ari na ng teatro.  Taong 2015 nang muling isaayos at i-rehabilitate ng NCCA ang Met upang maibalik ang dati nitong ganda at sigla.

Imahe mula sa NCCA via Facebook

Pagkatapos ng mahigit limang taon ay ipinasilip ng NCCA ang bagong hitsura ng bagong rehabilitate na Manila Metropolitan Theater. Malawak ang loob ng mismong teatro na napalilibutan ng mga nakamamanghang muebles, at ang mismong interior design nito ay pinaganda at pinakinang.

“Doors of the newly restored Met will be open to all Filipinos from all classes of our society. For this is the people’s theater,” ani ng NCCA chairman na si Arsenio “Nick” Lizaso. Inaasahang bubuksan ang teatro sa publiko ngayong 2021.

Imahe mula sa NCCA via Facebook

“The inauguration of the new Met is the culmination of a long arduous journey. This has been made possible by the determinated effort of a long line of individuals who share a common dream to bring back to life one of our nation’s cultural treasures. We will strive to do our best to be worthy of this collective effort as well as the high expectations of our people,” dagdag pa ng commission chairman.

Sa Met gaganapin ang quincentennial evening show sa darating na April 27, 2021 bilang paggunita sa  ika-500 na anibersaryo ng pagkapanalo ni Lapu Lapu laban sa mga Espanyol sa Mactan. Nakikipag-ugnayan na rin ang NCCA sa tanggapan ni Manila City Mayor Isko Moreno para sa selebrasyon ng ika-450 na anibersaryo ng lungsod sa darating na Hunyo.