Tatlong kabayo nilibre ng kanilang mga amo ng paborito nilang burger sa isang drive-thru sa Aklan

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via Facebook page
  • Napabalita kamakailan ang tungkol sa tatlong kabayo na nakitang maayos na nakapila sa isang drive-thru ng fast food restaurant sa Aklan
  • Ayon sa mga handler ng kabayo, naisipan ng kanilang amo na pakainin ang mga alaga ng paborito nilang burger dahil na rin sa kanilang pagtatrabaho
  • Ngayon ay binuksan na sa turismo ng Aklan ang pangangabayo basta’t sumusunod sa health and safety protocols bilang pang-iwas sa COVID-19

Karaniwan sa mga manggagawang Pilipino na ilibre ang sarili sa tuwing makatatanggap ng suweldo upang kahit papaano ay i-pamper ang sarili dahil sa pagpupursige sa trabaho. Nagiging daan rin ito upang mas ganahan sa paggawa ng trabaho at pagiging produktibo.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via Facebook page

Bukod sa mga tao, mahalaga rin na bigyan ng gantimpala ang mga hayop lalo na kung ang mga ito ay pinagtatrabaho tulad ng mga kabayo. At ito nga ang ginawa sa ilang kabayo sa Aklan na kamakailan ay nakitang nakapila sa drive-thru ng isang fast food restaurant sa probinsya.

Ayon sa ulat ng Unang Hirit, tatlong kabayo ang nakuhanan ng litrato habang maayos na nakapila sa drive-thru kasama ang kanilang handlers. Naisipan umano ng may-ari ng mga kabayo na ilibre ng paborito nilang burger ang mga alaga.

Nagbukas muli sa lokal na turismo ng Kalibo, Aklan at maaari na ulit sumakay ng mga kabayo tulad ng mga nakitang nakapila sa drive-thru. Kaya bilang gantimpala na rin umano sa tatlong mga kabayo ang mga burger dahil sa kanilang pagtatrabaho.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via Facebook page

Sa ngayon ay hindi na lamang mga sasakyan ang maaaring pumunta sa mga drive-thru kundi maging ibang ginagamit na sasakyan o transportasyon tulad ng bisikleta, e-bike, scooter, skateboard, at maski mga kabayo.

Sa inilabas nilang latest COVID-19 update, nasa 60 active COVID-19 case ang meron sa probinsya ng Aklan, at sa kabuuan ay naitalang nasa lagpas 500 ang mga naging kaso rito na mayroong 90% recovery rate.

Patuloy na nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Aklan na bagama’t bukas na ang ilang pasyalan at tourist destination sa lugar ay kinakailangan pa ring sumunod sa ipinapatupad na health and safety protocols bilang pangkontra sa COVID-19.