Pelican na nasagip sa Aurora, hinang-hina at maaaring nanggaling pa sa malayong lugar

  • Nasagip ng mga residente sa Aurora ang isang great white pelican bird na maituturing na migratory bird
  • Ibinigay na ng mga residente sa mga awtoridad ang nasabing pelican na nanghihina at tila pagod na pagod sa kanyang paglipad
  • Ayon sa mga eksperto, ang mga pelican ay karaniwang matatagpuan sa southeastern Europe, Africa at Asia

Mahalagang pangalagaan hindi lamang ang ating kapaligiran kundi maski ang mga kasama nating naninirahan dito: ang mga hayop na matatagpuan sa lupa, hangin, at tubig.

Imahe mula Freepik

Malaki ang ginagampanang papel ng wildlife sa ating kapaligiran lalo na sa pagpapanatili ng balanse sa kalikasan. Subalit mayroon pa ring mga mapagsamantalang tao na nangunguha ng mga endangered species lalo na sa mga kabundukan o malapit sa karagatan.

Tatlong residente mula sa Masagana Village sa  Aurora ang nagpakita ng magandang halimbawa sa pangangalaga sa mga wildlife nang ibigay nila ang natagpuang isang great white pelican na ibon sa Dilasag river sa nasabing lalawigan.

Nai-turnover nina Francisco Calinog, Andy Ortiz, at Francia Dasillo mula Sitio Mahogany, Barangay Masagana sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa bayan ng Casiguran, Aurora ang nanghihinang pelican.

Imahe mula sa Department of Environment and Natural Resources Region 3

Ang pelican, na isang migratory bird, ay wala namang kahit anong sugat subalit tila pagod na pagod dahil na rin siguro sa mahabang paglipad nito. Kilala ang great white pelican o may scientific name na pelecanus onocrotalus sa kakayahan nitong lumipad at lumangoy nang matagal. Tumatagal din ang kanilang buhay  ng hanggang 50 taon.

Ayon kay Paquito Moreno Jr., executive director of DENR sa Central Luzon, ang mga great white pelican ay naninirahan sa mga swamp at shallow lake ng southeastern Europe, Africa at Asia. At maaaring napadpad ito sa Aurora  dahil dito ay may tropical freshwater at sapat na dami ng isda na kanilang kinakain.

Hinikayat ng DENR ang publiko na ipagbigay-alam sa kanila o isauli ang mga makikitang wildlife sa gubat, bundok, ilog, o dagat. Nagbabala rin sila na ang sinumang maaktuhan sa ilegal na gawain o lumabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001 ay maaaring makulong o magbayad ng multa mula P100,000 hanggang P1 million.


Loading...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!
%d bloggers like this: