Mga online seller, binalaan tungkol sa nabistong modus ng mga kawatan na bumibili online

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel
  • Nagbabala ang isang online seller tungkol sa bagong modus ng mga kawatan na bumibili ng produkto online
  • Pagkatapos umorder ng mamahaling cellphone ay susubukan ng kawatan na magdahilan upang makaalis sa harapan ng seller o rider at saka na itatakbo ang hindi pa nababayarang produkto
  • Nagpaalala ang mga awtoridad na maging maingat at tiyaking lehitimo rin ang mga online buyers

Kung laging nagpapaalala ang mga online buyers na tiyaking maigi ang mga binibiling produkto online at kung lehitimo ang mga sellers, dapat ding tiyakin ng mga online sellers na hindi scam o manloloko ang mga bumibili sa kanilang produkto.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Sa ulat na inilabas ng 24 Oras, nagsumbong sa mga awtoridad ang dating nabiktima ng kawatan na umorder ng cellphone online na nagkakahalaga ng P68,000. Ang buyer ay nakilalang si Niño Maranan Bautista na nagbigay pa ng kanyang address upang dito i-deliver ang biniling cellphone.

“‘Di lumabas po siya, pinagbuksan niya po ako ng gate. Pagpasok po namin tinuturo po niya ‘yung mga kalapit-bahay na malalaki na ‘bahay ko ‘to, bahay ko ‘yan’,” kuwento ng biktima. Subalit bago ito magbayad sana, bigla umanong nagkunwari si Bautista na tatawagin ang kanyang kapatid sa kabilang bahay kaya agad na umalis tangay ang biniling cellphone.

Sinubukan pa ng nabiktima na hintayin si Bautista, subalit hindi na ito bumalik. Ayon naman sa mga kapitbahay sa address na binigay ng suspek, hindi raw nila kilala ang lalaki at nag-inquire lang umano ito ng bahay sa nasabing address.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Upang mahuli ang kawatan na tulad ni Bautista, nagsagawa ng entrapment operation ang Mandaluyong Police sa pangunguna ni chief Lieutenant Colonel Gauvin Unos. Muling umorder si Bautista ng cellphone online ngunit sa ibang seller page naman —  na pagmamay-ari din pala ng nabiktima. Gustong makaulit?

Isang undercover agent na nagpanggap na delivery man ang naghatid ng binibiling cellphone ng suspek kaya wala itong kawala.

Kasama na nahuli ang kasabwat ni Bautista na si Malawi Panindigan. Ayon sa Mandaluyong Police, bagsak-presyong ibinebenta ni Bautista ang mga cellphone na natakas. Nagawa na umano niya ito nang maraming beses para lamang may maipangkain.

Nagpaalala naman si chief Lieutenant Colonel Unos sa mga online seller na tiyakin din kung seryoso sa pagbili o lehitimo ang mga buyers online upang maiwasan na matulad sa mga nabiktima nina Bautista at Panindigan.

Pagmasdan ang mga suspek sa ulat na ito ng GMA at baka nabiktima na rin nila kayo: